
WALA maski isa sa mga alaga ng mga prominenteng politiko ang itinalagang kapalit ni Philippine National Police (PNP) chief Rodolfo Azurin Jr. na nakatakdang bumbaba sa pwesto bukas (Abril 24).
Ang bagong PNP chief – si Major Gen. Benjamin Acorda Jr. na tinaguriang dehado sa karera ng mga nominadong rekomendado ng mga bigatin sa gobyerno.
Batay sa nakalap na impormasyon mula sa PNP Records Division, si Acorda na mula sa pamilya ng mga rebolusyonaryo, abogado at sundalo, ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Sambisig Class of 1991.
Bago pa man itinalaga bilang PNP chief, pinamunuan ni Acorda ang lokal na pulisya sa mga bayan ng Balungao, Sison, Bolinao at Sual sa lalawigan ng Pangasinan hanggang sa hirangin bilang provincial police director ng Palawan mula 2014 hanggang 2016.
Mula sa pagiging provincial police director, umangat ang estado ni Acorda na itinalagang Regional Director ng Police Regional Office 10 sa hilagang Mindanao.
Hindi rin bago sa larangan ng pagsisiyasat ang tinaguriang Dark Horse na minsan nagsilbing hepe ng Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) Criminal Investigation and Detection Team, bago masungkit ang pwesto bilang CIDG Region IV-A chief.
Malinis na record naman ni Acorda ang nagtulak sa pamunuan ng PNP na ipagkatiwala sa kanya ang kampanya ng pambansang kapulisan laban sa mga anay sa hanay nang pamunuan ang PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group.
Kumpleto rin sa aral ang bagong PNP chief na nagtapos ng Master’s Degree in Management sa Philippine Christian University, bukod pa sa pagtatapos ng Police Intelligence Officer Advance Course, Logistics Management Course at Drug Law Enforcement.
Higit na kilala sa Acorda na kabilang sa mga agresibong nagsulong sa paglikha ng PNP Anti-Cybercrime Group.
Tulad ni Azurin, walong buwan lang ang ipagsisilbi ni Acorda nilang PNP chief. Nakatalda ang kanyang pagreretiro sa Disyembre 3 ng kasalukuyang taon.