SA hangaring tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral, binigyan-pahintulot ng Department of Education (DepEd) ang pamunuan ng mga paaralan na magsuspinde ng klase bunsod ng sukdulang alinsahan na dulot ng tag-init.
Ayon kay Director Michael Poa na tumatayong tagapagsalita ng DepEd, naglabas ng isang memorandum order si Vice President Sara Duterte na humihikayat sa mga pribado at pampublikong paaralan na isuspinde ang face-to-face classes at bumalik muna sa modular distance learning o online class bunsod ng mataas na heat index sa malaking bahagi ng bansa.
“Iba-iba po kasi ang situation ng ating mga paaralan. Kaya school heads po ang magde-determine. Ayaw rin po nating makaapekto sa kalusugan ng ating mga learners ang napakainit na panahon, kaya po pinaalalahan natin ang mga school heads na maaari silang mag-switch agad sa ADMs,” ani Poa sa isang panayam.
Sa mga nakalipas na araw, nakapagtala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) naglalaro na sa pagitan ng 36°C hanggang 43°C ang heat index sa iba’t ibang bahagi ng bansa – at posible pang pumalo mula sa 50°C hanggang 56°C sa mga susunod na araw.
Batay sa mga datos na kalakip ng pag-aaral ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), karamihan sa mga guro ang naniniwalang hindi magiging epektibo ang pagtuturo bunsod ng alinsangan sa loob ng silid-aralan kung saan karaniwang pinagkakasya ang 50 hanggang 75 estudyante sa mga pampublikong eskwelahan.