BUKOD sa lisensya, pinalawig na rin ng Land Transportation Office (LTO) ang bisa ng rehistro para sa mga motorsiklo.
Gayunpaman, nilinaw ni LTO Chief Jay Art Tugade sa nilagdaang Memorandum Circular No. JMT-2023-2395, na mga bagong unit lang ang saklaw ng direktiba.
Bago pa man inilabas ni Tugade ang kautusan, pinaiiral na ng LTO ang three-year validity sa rehistro ng mga motorsiklong may engine displacement na 201cc pataas — alinsunod sa Republic Act 4136 at RA 11032.
Aniya, nagpasya ang LTO na isali ang mga motor na may engine displacement na 200cc pababa base sa ginawang pag-aaral ng ahensya.
“It is hereby directed that initial registration of brand new motorcycles with engine displacement of 200cc and below shall be valid for three years,” nakasaad sa direktiba ni Tugade.
“It is understood that the MVUC to be collected during the initial registration shall likewise be adjusted to cover the corresponding registration validity period,” ayon pa sa Memorandum.
“Hindi natin nakikita na magkakaroon ng problema sa roadworthiness ng mga motorsiklong may tatlong taong rehistro dahil ang mga ito naman ay bagong sasakyan,” pahayag ni Tugade.
Kung pagbabatayan ang mga nakalipas na datos ng LTO, nasa dalawang milyong motor na may engine displacement na 200cc pababa ang makikinabang sa bagong polisiya ng ahensya.
Pagkatapos aniya ng 3-year valudity, balik sa taunan pagpaparehistro ang mga may-ari ng motorsiklo.