November 12, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

SIM card registration hanggang July 25 na lang — DICT

NI LILY REYES

DICT

MULING pinaalalahanan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pubbliko na hindi na palalawigin pa ang July 25 deadline para sa SIM registration.

Sa ginanap na paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) para sa pagtatatag ng Connectivity Index Rating sa bansa, inihayag ni DICT Secretary Ivan John Uy na nakarehistro na ang mayorya ng mga aktibong gumagamit ng SIM.

Ayon sa datos ng DICT, humigit-kumulang 104 milyong SIM mula sa mahigit 160 milyon sa bansa ang nakarehistro na.

Panawagan ni Uy sa aniya’y matigas ang ulo, magparehistro na dahil kapag sumapit ang alas- 12:01 ng July 26 at nabigong magparehistro ay awtomatikong made-deactivate ang SIM na hindi rehistrado.

Hindi rin umano inaasahan ng DICT na lahat ng SIM ay mairehistro dahil ang ilan sa mga ito ay hindi na ginagamit.

Nagbabala rin si Uy na maaaring patuloy na tumaas ang mga text scam sa huling apat na araw bago ang deadline dahil ang mga scammer ay lumilipat aniya sa ibang mga platform.

Nabatid na mula sa kabuuang 104,334,729 na rehistradong SIM noong July 20, nakapagparehistro ang Globe ng 47,587,138, Smart na may 49,324,526, at DITO na may 7,423,065.