
MULING nadagdagan ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na hinatulan ng parusang kamatayan sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Pag-amin sa DMW Undersecretary Hans Cacdac, isa pang Pinoy ang binasahan ng sentensyang kamatayan Saudi Arabia.
Sa pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa pamilyang hindi pinangalanang OFW, humihingi di umano ng blood money na katumbas ng 30 milyong Saudi riyals ang pamilya ng biktima.
“We’re talking to the DFA about this particular case. Yes, we’re aware of this case. We’re talking, coordinating with DFA on this matter and we are reaching out to the family as well,” ani Cacdac sa isang panayam sa telebisyon.
Hindi naman tinukoy ang kasong kinasasangkutan ng naturang Pinoy na hinatulan ng kamatayan.
Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), mayroong 83 Pinoy ang nasa death row sa ibang bansa.
Samantala, apat na iba pang OFW ang ligtas na nakabalik sa Pilipinas mula sa Saudi Arabia matapos gawaran ng pardon kaugnay ng mga pagkakautang.
Kabilang aniya sa mga naiuwi ng pamahalaan ang isang printing press technician, isang aircon technician, isang trailer driver at merchandiser na pawang nakulong sa Saudi Arabia mula tatlo hanggang limang taon.
“They incurred debts and very unfortunate na tumagal sila sa kulungan. Eventually, and that’s why were thankful to the Saudi government, nakita rin nila ‘yung panahon na kailangan na silang i-release,” ani Cacdac sa isang pulong balitaan.