KASABAY ng pagdiriwang ng anibersaryo ng dalawang pangunahing ahensyang nangangasiwa sa seguridad ng bansa, inamin ni Pangulong Marcos Jr. ang mga kinakaharap na banta ng Pilipinas, kabilang ang pananakop ng mga dayuhan sa ating teritoryo.
Sa kanyang talumpati sa dinaluhang magkasabay na anibersaryo ng National Security Council (NSC) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA), hayagang sinabi ni Marcos na nahaharap ang bansa sa mga banta ng ‘territorial integrity, sovereignty, terorismo, local communist insurgency, cybersecurity at climate change.’
Sa pag-amin ng Pangulo, hinikayat rin niya ang dalawang pangunahing ahensyang nakatutok sa seguridad ng bansa na patuloy na isulong ang interes at proteksyon ng mga Pilipino.
“With this, let us continue to prepare for the tasks that lie ahead and continue to uphold our national interest and ensure the security of the Filipino public and that should remain at the top of all of our priorities.”
Para kay Marcos, hindi matatawaran ang kahalagahan ng NICA at NSC sa pagpapanatili ng seguridad lalo pa aniya’t nananatili ang banta sa bansa.
“We know that you are the silent guardians who protect us against all manner of national threats, the steadfast vanguards who keep our enemies at bay, and the faithful watchers ensuring that we do not veer to disorder and to chaos,” dagdag ng Pangulo.