MATAPOS tiyakin ni Senate President Vicente Sotto ang agarang pagbuo ng impeachment court sa sandaling isumite ng Kamara ang Articles of Impeachment, posibleng sa Hunyo pa simulan ang pagdinig ng kaso laban kay Vice President Sara Duterte.
Paliwanag ni Senate Pro Tempore Sen. Panfilo Lacson, kakain ng tatlong linggo ang pagpapadala ng “summons,” preliminary conference para sa “stipulations,” at “marking of evidence” bago ganap na sumipa ang paglilitis.
“Kailangan ma-transmit muna sa amin ang Articles of Impeachment. Kung susundin natin ang ganoong proseso, hindi ganun kadali yan. We’re talking of at least three weeks siguro bago talaga makapag simula ang trial, at the very least,” wika ni Lacson sa isang panayam.
Ang preliminary conference o “pre-trial” ay maaari aniyang isagawa ng Senate President o ng kanyang legal adviser upang tukuyin kung anu-anong mga isyu ang pwedeng tatalakayin sa paglilitis.
Binalikan ni Lacson ang impeachment trial ng yumaong dating Chief Justice Renato Corona, na aniya’y nagkaroon ng kalituhan dahil sa kawalan ng maagang pre-trial, na naging dahilan sa pagpasok ng mga “surprise witnesses” sa kalagitnaan ng paglilitis.
“Ang natatandaan ko noong panahon ng trial ni former Chief Justice Corona, hindi nagkaroon ng preliminary conference. So bandang gitna nang nagkagulo-gulo, kung anu-ano napasok na testigo doon lang nagsagawa ng preliminary conference or pretrial. So mas mainam sa simula pa lang maliwanag na ang tatalakayin sa trial, ang tinanggap na ng magkabilang panig. Di na yan pag uusapan at pagde-debatehan ng prosecution and defense,” aniya.
Kaugnay ng posibilidad na maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema, sinabi ni Lacson na magpupulong ang Impeachment Court upang talakayin ito – at kung kinakailangan, pagbotohan ang nararapat na hakbang.
“Palagay ko hanggang walang ini-issue na TRO, tuloy-tuloy ang pagdinig, ang trial. Unless i-compel kami. At yan pag-uusapan namin yan. Ang impeachment court ay constitutional body yan at sinabi ng SC ginagalang nila co-equal not only the Senate kundi also mismong impeachment court. Ang decision ng impeachment court is unappealable. Di pwede itong iapela sa SC. Final yan,” aniya.
“Hindi ko sinasabing option (na hindi sundin ang TRO). Pero kailangan pag-usapan at pag botohan namin. We will always make decisions based on the majority,” dagdag niya.
Sa paghahanda para sa posibleng impeachment trial, sinabi ni Lacson na nagsagawa ng pulong ang mga senador noong Huwebes upang talakayin ang usapin.
Samantala, humigit-kumulang P27 milyon ang maaaring magamit para sa impeachment trial, dahil P512,000 pa lamang sa naturang halaga ang nagastos para sa mga kagamitan at unipormeng pang hukom ng mga senator-judges.
“Under continuing appropriations yan. So maski na-appropriate sa 2025, meron pa silang one year, buong 2026 para magamit. Kung di magamit, magiging savings yan at ibabalik sa treasury.”
