
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MATAPOS ang magkakasunod na bagyong tumama sa bansa, hiniling ng AGRI partylist ang agarang pagpapatupad ng hakbang para mapalawig ang crop insurance coverage na magbibigay proteksyon sa kabuhayan ng mga magsasaka sa tuwing may kalamidad.
“Nananawagan tayo sa mga kapwa natin mambabatas sa Senado na agarang isabatas ang panukalang ito dahil kulang na kulang sa proteksyon sa kabuhayan ang ating mga magsasaka. Alam naman po natin na tuwing may kalamidad, walang natitira sa kanila maliban sa utang at pangamba na lalong malubog sa kahirapan,” giit ni AGRI Partylist Representative at Senatorial Aspirant Manoy Wilbert “Wise” Lee.
Sa inihaing House Bill 7387 na akda ng AGRI partylist solon, partikular na isinusulong ang pagpapalawak ng mga serbisyo ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) kasabay ng paghikayat sa pribadong sektor na pumasok sa larangan ng agricultural insurance.
Buwan ng Marso ng nakalipas na taon pa nang aprubahan ng Kamara ang HB 7387. Gayunpaman, mistulang natulog ang panukala pagdating sa senado.
Ayon kay Lee, sa ilalim ng naturang panukala, ang PCIC ay magkakaloob ng insurance coverage hindim lang sa palay kundi sa lahat ng agricultural commodities.
Nakapaloob din sa naturang mungkahi ang pagsasama sa ibang non-crop agricultural assets, gaya subalit hindi limitado sa livestock, aquaculture and fishery, agroforestry, forest plantations, machineries, equipment, transport facilities, at iba.
“Bilang mga itinuturing natin na ‘food security soldiers,’ deserve ng ating mga magsasaka ang suporta ng gobyerno para siguruhin ang kanilang kita. Nararapat lamang na pagaanin ang pasanin ng pinagmumulan ng mismong mga kinakain natin!” wika pa ni Lee.
Nanawagan din ang AGRI sa PCIC na palakasin ang information campaign para maengganyo ang mga magsasaka na kumuha ng crop insurance at maging proactive sa pagnanais na maabot ang mas maraming magsasaka sa pamamagitan ng paglalagay ng mobile offices sa mga lugar na labis na nasalanta ng mga bagyo.
“Imbes na maghintay sa mga opisina, kailangan ang gobyerno mismo ang gumawa ng paraan para ilapit ang mga serbisyo at benepisyo para sa ating mga magsasaka. Hindi na dapat pahirapan ang mga nasalanta nating kababayan o kaya naman ay parang sila pa ang nakikiusap o nagmamakaawa na sila ay tulungan,” aniya pa.
“Ang pinakamabisang paraan para makamit ang murang pagkain at seguridad sa pagkain ay dagdag na suporta sa agrikultura,” dagdag pa ng AGRI partylist solon.
“Kapag naprotektahan ang kabuhayan ng ating mga magsasaka at mga local food producers at natiyak ang kanilang kita, magsisilbi itong insentibo para pataasin ang kanilang produksyon na magpaparami naman ng supply sa merkado. Kapag nangyari ito, bababa ang presyo ng pagkain at iba pang mga bilihin kung saan panalo ang sambayanang Pilipino!”