NI EDWIN MORENO
NAKATAKDANG lumahok sa 9th Philippine Youth Association for Responsible Mining and Natural Resources (YAMAN Philippines) ang nasa 200 lider estudyante ngayong araw hanggang Nobyembre 22 sa Baguio City.
Sa temang “HIBLA: Habi ng Kultura’t Mina” ngayong taon, nakatuon ang pagtitipon sa pagdiriwang ng pagkakaisa ng mga Youth Organizations sa larangan ng wastong pagmimina, geology at metallurgy mula sa iba’t -ibang lugar sa bansa.
Bahagi ng kongreso ang mga aktibidad aktibidad na naglalayong ibida ang kakayahan, kaalaman at dedikasyon sa minerals industry tulad ng Palarong Minero, Youth Leaders Forum: Organizational Excellence, Quiz Bee, at Debate Competition.
Kabilang din sa kongreso ang inaabangan na YAMAN Awards na nagbibigay pagkilala sa pambihirang inisyatiba na naghatid ng makabuluhang epekto sa komunidad.
Kokoronahan din ang Mister and Miss YAMAN na tatayong ambassador para magsilbing inspirasyon sa pagtataguyod ng responsible mining at environmental stewardship.
Ang Yaman Congress ay bahagi ng 70th Annual National Mine Safety and Environment Conference na nagbibigay ng pagkakataon na makasalmuha ng mga delegado ang industry professionals sa pamamagitan ng mga aktibidad tulad ng Welcome Night, PAGYAMANIN seminar series, pakikiisa sa ANMSEC Exhibit.
Magsasagawa rin ng Dalawang magkasabay na tree planting activity na gagawin sa Arboretum sa Baguio at sa Northern Cement Corporation.
Nasa 3,000 estudyante na ang naging bahagi ng student congress mula 2015 – taong inumpisahan ng YAMAN Philippines ang adbokasiya para sa wastong pagmimina at pagtutuwid sa manling paniwala sa naturang industriya.
Maliban sa annual congress, nagsasagawa rin ang organisasyon ng iba pang inisyatiba tulad ng Biyaheng YAMAN , KampanYAMAN para sa kanilang advocacy campaign, at PAGYAMANIN para sa serye ng informative seminar.
Ang 9th YAMAN Philippines ay pagpapatuloy ng misyon sa paghubog ng mga lider sa hinaharap para sa sustainable growth ng minerals industry sa bansa.
