
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HIGIT pang tumibay ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia partikular sa larangan ng kalakalan ng bigas, turismo, seguridad, at depensa matapos ang ginanap na pulong sa pagitan nina House Speaker Martin Romualdez at Cambodian Prime Minister Hun Manet.
Ayon kay Romualdez, higit na kailangan tiyakin ang sapat at abot-kayang supply ng bigas sa Pilipinas na aniya’y madalas tamaan ng bagyo at iba pang problemang dulot ng pabago-bagong klima na nakakaapekto sa sektor ng agrikultura.
Bago tumulak patungong Cambodia, pinangunahan ni Romualdez ang pinagsamang pagsisikap ng Kamara at Department of Social Welfare and Development, sa paglulunsad ng “Tabang Bikol, Tindog Oragon,” kung saan 24 trak na kargado ng relief goods at P750 milyong cash assistance ang ipamamahagi sa mga biktima ng bagyo sa Bicol region.
“Collaborating with Cambodia, a leading rice exporter, will help us secure a steady supply of this vital commodity. Strengthening our food security not only protects Filipino families but also ensures our resilience in the face of extreme weather events,” wika ng lider ng Kamara.
Ani Romualdez, kahit tumataas ang lokal na produksyon ng bigas, kinakailangan pa rin ng Pilipinas na mag-angkat upang mapanatili ang matatag ang suplay. Pangunahing umaangkat ng bigas ang Pilipinas sa mga karatig bansa sa Asya, kabilang ang Vietnam at Thailand.
Sa nakaraang bilateral meeting sa pagitan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Cambodian Prime Minister Hun Manet sa sidelines ng ASEAN-Australia Special Summit sa Melbourne noong Marso 2024, binanggit ni Romualdez na nagkasundo ang dalawang bansa na palakasin ang kalakalan ng bigas sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia, at ang mga patuloy na pagsisikap na tugunan ang usapin hinggil sa double taxation at mapadali ang mga proseso sa negosyo.
Ipinaabot din ng lider ng Kamara ang pasasalamat sa pagpapahalaga ng Cambodia sa pagpapalawak ng import at export market, at ibinahagi kay PM Hun Manet ang kanyang mga inaasahan para sa isang matagumpay na pagbisita sa Phnom Penh ng trade at investment mission ng Pilipinas na nakatakdang ganapin sa Enero 2025.
Bukod sa kalakalan ng bigas, tinalakay din nina ng House Speaker at Prime Minister Hun Manet ang pagpapalago sa turismo at people-to-people exchanges.
“Let me assure Your Excellency that the House of Representatives remains ready to enhance and deepen our ties with the National Assembly of Cambodia through various initiatives under the Philippines-Cambodia Parliamentarians Friendship Group, Inc.,” ani Romualdez.
Sa mga usapin ng seguridad at depensa, muling pinagtibay nina Speaker Romualdez at Prime Minister Hun Manet ang pangakong pagtutulungan sa mga isyung nakakaapekto sa kapayapaan at seguridad ng rehiyon.
Ang kanya aniyang pagbisita ay isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapalakas ng relasyon ng Pilipinas at Cambodia.
“I look forward to joining President Marcos in welcoming you to the Philippines in February for your Official Visit,” mensahe pa ng mambabatas sa Cambodian PM.
“As close neighbors and ASEAN partners, the Philippines and Cambodia share a mutual aspiration for growth and security. By working together, we can unlock new opportunities and create a better future for our peoples.”