
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KAABANG-ABANG ang pinakamalaking serbisyo at convergence caravan o ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa unang bahagi pa lamang ng taong 2025 ay 13 lalawigan sa bansa ang nakalinyang direktang dalhan ng iba’t-ibang mahahalagang serbisyo ng gobyerno sa mga komunidad.
Sa press briefing sa Kamara, ipinagbigay-alam ni House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” Gabonada ang schedule ng BPSF kasama ang serbisyo caravan sa Samar ngayong Biyernes, Setyembre 22.
“We have Albay, Sorsogon, Camiguin, Quezon, La Union, Tarlac, Pangasinan, Nueva Ecija, Davao Oriental, North Cotabato, Misamis Occidental, Bohol and Aklan lined up for the first quarter of next year,” ayon kay Gabonada.
Layunin ng BPSF na magbigay ng iba’t-ibang serbisyo ng gobyerno, kabilang ang tulong pinansyal, mga programang pangkalusugan, suporta sa pabahay, emergency employment, at mga clearance mula sa iba’t ibang ahensya at departamento ng pamahalaan.
“We are targeting two-thirds of the total number of provinces in the country.”
Ayon pa kay Gabonada, hangad ni Speaker Martin Romualdez, ang pangunahing tagapagtaguyod ng serbisyo fair, na gawing institusyon ang BPSF upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga komunidad na apektado ng kalamidad.
Aniya, ang direktiba ni Romualdez ay maiparating ang mga serbisyo partikular sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.
“The Speaker already has an instruction in response to the call of the President na buhusan ng serbisyo iyung mga nasalanta din ng bagyo or various typhoons na dumaan,” saad pa niya.
Hindi rin aniya limitado sa sa pamamahagi ng tulong ang mga susunod na serbisyo fair, kundi pati na rin sa mga pangmatagalang pangangailangan para sa pagbangon mula sa epekto ng kalamidad.
“Hindi lamang relief ang kailangan nila. Kailangan nilang i-rebuild yung bahay nila, kailangan nila ng emergency employment, kailangang matingnan yung kalagayan ng kalusugan nila, kung may iba pa silang pangangailangan ay dapat naduon iyung full government approach para mas madali silang makabangon,” diin pa ni Gabonada.
Sinabi rin niya na nakapagbigay na ang BPSF ng kinakailangang tulong sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad.
“We have been allocated P850 million already. Para sa cash assistance to 170,000 families affected in the Bicol region,” ayon pa kay Gabonada. Dagdag pa niya, nagsimula ang pamamahagi ng tulong noong Nobyembre 13 at nagpapatuloy araw-araw upang matulungan ang lahat ng benepisyaryo.
Bilang karagdagang sa tulong pinansyal, naghatid ang gobyerno ng mahahalagang suplay sa mga apektadong komunidad.
“Masaya po kaming i-announce sa inyo na duon sa 24 trucks na hinatid natin sa Bicol, mostly po nun ay bigas. That’s around 650,000 kilos of rice ang pamamahagi natin,” saad pa nito, kung saan kabilang din sa mga ibinahagi ang mga gamit tulad ng damit at delatang pagkain.
Samantala, pinuri naman ni Gabonada ang pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno at mga private partners sa pagbibigay ng mga materyales para sa pagtatayo ng mga bahay at sa muling pagbabalik ng kuryente sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
“Ang NHA together with private partners nila … ay magko-consolidate sila para makabuo ng mga materials, construction materials para maibigay duon sa rebuilding ng houses ng mga nawalan talaga ng bahay.”