
HINDI na dapat pang pahirapan ng pamahalaan ang mga operator at driver na nagnanais na tumugon sa isinusulong na jeepney modernization program – partikular na sa loan application.
Ito ang giit ni AGRI Partylist Rep. Wilbert T. Lee kasabay ng panawagan sa Land Bank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP), at iba pang government financial institutions na simplehan lamang ang loan requirements para sa pagkuha ng transport cooperatives and corporations ng modern jeepney units.
Sa pagtalakay ng Kamara sa hinihinging budget ng Department of Transportation (DOTr) para sa susunod na taon, nagpahayag ng pagkadismaya ang Bicolano lawmaker sa natanggap niyang impormasyon hinggil sa masalimuot na documentary requirements bilang bahagi ng loan application ng mga transport cooperatives para sa naturang modernization program.
“Let us liberalize and simplify these requirements. Marami na ngang na-comply na requirements na hinihingi ang LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) at LTO (Land Transportation Office), kilo-kilometro pa rin ang dami ng hinihingi ng Land Bank o DBP na mahirap kumpletuhin,” patutsada ni Lee.
“Kaya po tayo nagsusulong ng ganitong mga programa, kaya natin pinapataas at pinapalaki ang budget, ay para makatulong. It defeats the purpose kung pinapahirapan natin sila. Ano ba talaga ang papel natin dito? Ang tulungan sila o ang pahirapan sila?” dugtong ng kongresista.
Hiniling din ni Lee sa LTFRB na direktang nakikipag-ugnayan sa pagpapatupad ng nasabing programa na atasan ang Land Bank, DBP at iba pang government financial institutions na bilisan ang proseso sa loan application para sa pagbili ng modern jeepneys.
“Maging makatotohanan po tayo dito. Napakahirap na nga po ng buhay ng ating mga tsuper at operator dahil sa walang prenong pagtaas ng presyo ng petrolyo at ng mga bilihin, dadagdagan pa natin ang sakit ng ulo nila sa mahahaba at komplikadong proseso ng pag-apply ng loan,” apela ng AGRI partylist solon.
“Ang tungkulin ng gobyerno, magpatupad ng mga hakbang kung saan Winner Tayo Lahat, hindi yung pabibigatin pa ang pasanin ng taumbayan.”