
INILUNSAD ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang “Bawal Bastos” campaign upang maiwasan ang sexual harassment sa mga pampublikong sasakyan.
Pinangunahan ni LTFRB technical division chief Joel Bolano at Gender and Development assistant focal point Rowena Dirain ang pagkakabit ng anti-sexual harassment stickers sa Parañaque Integrated Terminal Exchange.
Ayon sa LTFRB, ang programa ay bahagi ng kampanya ng ahensiya sa anumang uri ng sexual harassment sa mga bus, jeep at taxi.
Ang mga biktima ng sexual harassment ay maaaring tumawag 24-oras sa hotline 1342 o mag e-mail sa complaints@ltfrb.gov.ph.
Sinabi ni Bolano na ipinaaalala ng kampanya sa publiko na may karampatang parusa ang lalabas sa Republic Act 11313 o Safe Spaces Act at Memorandum Circular No. 2023-016.
Nilagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang Bawal Bastos Law noong Abril 2019.
Ang mga driver, konduktor at iba pang kawani na lalabag sa batas ay pagmumultahin ng hanggang P5,000.
Isususpinde rin ang prangkisa sa loob ng anim na buwan. Ang mga commuter na lalabag din sa kapwa pasahero ay maaari ring kasuhan.