
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
NASALANTA ka nga, pahihirapan ka pa? Ito ang buod ng mensahe ng isang partylist congressman hinggil sa aniya’y komplikadong prosesong pinagdadanan ng mga biktima ng delubyo para makatanggap ng kaunting tulong mula sa gobyerno.
Para kay Congressman Manoy Wilbert “Wise” Lee, hindi makatarungan pahirapan ang mga nasalanta dulot ng naganap na kalamidad, kasabay ng paghahain ng House Resolution 2051 na nananawagan sa lahat ng government agencies na gawing simple at mabilis ang pagproseso sa aplikasyon ng calamity victims para mabigyan ng kaukulang tulong.
“Tulungan ang taumbayan, hindi pahirapan!,” pahayag ni Lee.
“Hindi makatarungan na kung nasalanta ka na nga at nasira ang lahat ng iyong kabuhayan at ari-arian, kilo-kilometro pa ang requirements o kaya naman ay parang kailangan pang magmakaawa o lumuhod sa mga nasa katungkulan para lang makahingi ng tulong,” dagdag pa niya.
Paalala ng AGRI partylist congressman, mayroong umiiral na Republic Act 9485 o ang “Anti-Red Tape Act of 2007,” gayundin ang RA 11032 o ang “Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018,” na dapat ay mahigpit at mahusay na ipinatutupad.
“Even with the enactment of these laws and their related regulations, persistent issues and challenges such as excessive paperwork, long hours of application process, burdensome submission of unnecessary requirements, and insufficient technological integration continue to obstruct efficient delivery of services of various government programs and services,” himutok ng kongresista.
“There’s an urgent need for decisive and radical action to effectively simplify and liberalize government processes, and weed out red tape and corruption in agencies,” panawagan pa niya.
Ayon kay Lee, na masugid na isinusulong ang adbokasiya niya na pagkakaloob sa sapat at nararapat na serbisyong medikal, ang mahaba at mabagal na proseso sa gobyerno ay patuloy na nagpapahirap sa mga mamamayan lalo na ang pagkakaroon ng madaling access sa healthcare services.
“Kapag nagkakasakit ang marami nating kababayan, dahil sa mahal ng gastusin at pahirapan bago makatanggap ng medical assistance, pinipili na lang nilang maratay sa bahay kaya mas lumalala ang karamdaman o pinipili na lang na hintayin ang oras nila. Hindi ito deserve ng Pilipino. Dapat ang gamot at pagpapagamot ng Pilipino, sagot ng gobyerno! Gamot Mo, Sagot Ko!”
“Ang gobyerno, hindi dapat pabigat sa taumbayan. Ang serbisyo, dapat ora-mismo, hindi nakaka perwisyo pa sa Pilipino. Ang pera ng gobyerno ay pera ng taumbayan kaya walang rason na di maibigay sa Pilipino ang nararapat na serbisyo,” pahabol ng partylist solon.