NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
TALIWAS sa mga nakalipas na pamamahagi ng tulong, hindi sa mga komunidad nagtungo ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan para maghatid ng cash aid sa mga pangkaraniwang empleyado sa Metro Manila.
Sa unang pagkakataon, partikular na tinungo ang apat na sangay ng SM malls para magbahagi ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa mga empleyado at mga tauhan ng mga negosyanteng nangungupahan sa mga nabanggit na establisyemento.
Sa kalatas ng Office of the House Speaker, mahigit 53,000 benepisyaryo mula sa SM Mall of Asia, SM North EDSA, SM Megamall at SM Fairview ang tumanggap ng cash aid, sa pakikipag-ugnayan ni House Speaker Martin Romualdez sa Department of Social Welfare and Development.
Para kay Romualdez, higit na angkop tugunan sa epekto ng inflation, alinsunod na rin aniya sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Ang AKAP ay sagot ng ating gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang mga pangangailangan. Ito ay isang malaking tulong para sa ating mga kababayang hirap na hirap na itaguyod ang kanilang mga pamilya, lalo na ang mga minimum wage earners at low-income workers,” wika ni Romualdez.
Garantiya ni Romualdez, mas paigtingin pa ng administrasyon ang inisyatibang bunga ng pagtutulungan at pagsisikap ng national government, local officials, at maging ng pribadong sektor.
“Ang AKAP Mall Tour ay isang halimbawa ng pagkakaisa at pagtutulungan ng pamahalaan at ng pribadong sektor upang tugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan. Lahat tayo ay nagtutulungan upang siguruhin na ang tulong ay makarating sa mga nararapat makatanggap nito,” anang lider ng Kamara.
Sa panig ni Deputy Secretary General Sofonias Gabonada, hindi lang limitado sa pagkakaloob ng tulong pinansyal ang aktibidad. Aniya, nagsilbing daan ang cash aid distribution na pasiglahin ang economic activity sa shopping malls at maging sa local businesses.
Aniya, simple lamang ang registration process para sa AKAP beneficiaries — una ang pagiging eligible worker, na dapat magparehistro online sa Bagong Pilipinas platform at ipakita ang kanilang Bagong Pilipinas ID.
Dagdag pa niya, mayroong mga scanner na itinalaga sa mall employee entrances para sa beripikasyon ng kanilang eligibility at matapos nito ay makakatanggap sila ng notification na nagsasabi ng kanilang payout schedule at iba pang documentary requirements na kailangan nilang maipakita.
Sa pinakahuling tala ng AKAP secretariat ang bilang ng registered beneficiaries sa nabanggit na malls ay ang sumusunod: SM Mall of Asia, 16,766 registrants; SM North EDSA, 13,632 registrants; SM Megamall nasa 12,789 registrants; at SM Fairview naman nasa 10,528 registrants.
“The successful implementation of the program is made possible through partnerships with local government units and various congressional offices,” ayon kay Gabonada.
Sa SM Fairview, sina Rep. Ralph Tulfo at Rep. Michael “PM” Vargas ang silang nagpakilos ng volunteers habang sa SM North EDSA ay sina Rep. Arjo Atayde, Rep. Marvin Rillo, at Rep. Marivic Co-Pilar ang nag-organisa sa kinakailangang manpower para tumulong sa registration.
Tulong-tulong naman ang tanggapan nina Rep. Franz Pumaren, Rep. Roman Romulo, and Rep. Neptali Gonzales II para sa maayos na paglulunsad ng programa sa SM Megamall at sa SM Mall of Asia ay aktibong tumulong sina Rep. Antonino Calixto at Pasay City Mayor Imelda G. Calixto-Rubiano.
Samantala, nagpaabot ng lubos na pasasalamat si Speaker Romualdez sa lahat nang nagtutulong-tulong at naging katuwang sa matagumpay na AKAP program.
“We are grateful for the overwhelming support we’ve received from the congressional offices and local government units. Their active participation has made the registration and implementation process efficient and effective,” saad ng Leyte lawmaker.
“Patuloy tayong magsusumikap upang ang programang ito ay makaabot sa mas maraming Pilipino. Sama-sama tayong babangon at makakabangon mula sa mga pagsubok na ito. Tuloy-tuloy ang ating pagsuporta sa ating mga kababayang nangangailangan.”
Binanggit naman ni Gabonada na inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng AKAP mall tour beneficiaries dahil target na mapalawig ang pagsasagawa nito sa iba pang bahagi ng bansa.
