MARIING itinanggi ng mga kongresista na umabot sa isang trilyon ang halagang ipinasok ng Kamara sa panukalang 2027 national budget. “It’s only 115 billion. Just to clarify lang po. Yung amendment na ginawa ng BARSc is only 115 billion,” pahayag ni House Committee on Appropriations Vice Chairman at Camarines Sur 4th District Rep. Arnie Fuentebella sa isang pulong-balitaan na dinaluhan ng mga lider mula sa iba’t ibang partido. Giit ni Fuentebella na kabilang sa mga haligi ng Nationalist People’s Coalition (NPC), ang pagrebisang ginawa ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc) ay batay na rin mismo sa rekomendasyon ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at hindi ang sinasabing pagsusulong ng ilang kongresista. Ganito rin ang paliwanag ni House panel senior vice chair at Bataan 2nd District Rep. Albert Garcia, kasabay ng giit na karamihan sa amendments ay ginawa matapos makita ang mga pagkakamali sa pagbalangkas ng original budget proposal. “Most of the amendments came from the agencies or ’yung mga na-miss out doon sa bottom-up budgeting. So, needs-based po ’yan on the ground,” pahayag ni Garcia. Hinamon naman ng kinatawan ng Bataan ang mga kritikong nagsasabing nasa P1 trillion ang House-introduced amendments na direktang tukuyin ang mga proyektong ipinasok ng Kamara sa halip na basta na lamang mag-akusa. “It’s easy to make sweeping allegations, one trillion ’yung in-amend. Pero tingnan natin nasaan per project para talagang ma-trace natin,” anang ranking House official. Dagdag naman ni Surigao del Sur 1st District Rep. Romeo Momo Sr. ng Nacionalista Party (NP) at chairman ng House Committee on Public Works and Highways, may ilang inamyendahan ang Kamara na walang kinalaman sa badyet ng partikular na proyekto. “Ang akala nila na ’yung whole amount na iyan ay binawas at idinagdag sa iba, hindi,” sambit ni Momo, na sinabi rin ang ilang amendment ay pagtatama lamang sa detalye ng proyekto, kasama na ang duplication ng entries. Inihalimbawa naman ni Negros Oriental 3rd District Rep. Janice Degamo, ng Lakas-CMD, ang tatlong water projects para sa kanyang distrito na nasa panukalang 2027 national budget, na tama ang nakalagay na munisipyo at barangays pero mali ang nakasulat na probinsya. “So, amending the province is necessary. Otherwise, hindi matutuloy ’yung project at mawawala ’yung public service na kinakailangan ng aking area of responsibility naman namin pag hindi namin iyon kinorek. Kaya sometimes the amendments are just these small things,” paglalahad pa ng lady solon. Panawagan ng mga mambabatas sa publiko, suriin munang mabuti ang ugat at pangangailangan sa ginawang pag-amyenda bago gumawa ng konklusyon o alegasyon. Kasabay nito, idinepensa naman ng mga kongresista ang P15.33 billion disaster funds na kasama sa 2027 budget realignments. Ani FPJ Panday Bayanihan Partylist Rep. Brian Poe, may nakita umanong ₱15.33 billion unused allocation para sa Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Fund, kaya hindi na ito binigyan ng katulad na halaga sa ipapasang 2027 national budget. “As of June 30, 2026, itong program na ’to had 15.33 billion pesos completely unspent. That budget was not used at all. So what happened? Ito ’yung naging precursor po ng amendment po natin na imbes na nandito nakatengga ’yung pondo, pinalipat po sa quick reaction fund ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Department of Agriculture,” paliwanag ni Poe. Nilinaw naman ni Momo na hindi awtomatikong inalis ang buong pondong inilaan para sa mga programa o proyekto na mababa ang spending performance. “Hindi naman lahat kinuha ’yung budget. Tinitingnan lang ng BARC kung magkano kaya ang maubos nila. So binabalanse din ng BARC iyon na kung magkano lang ang kunin at may iiwan pa rin,” saad pa ng House panel chair. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Tulfo nakuryente, ‘sorry’ tinanggap ni Romualdez Paglalantad ng alokasyon kada distrito kinasahan