SA kabila ng kumpirmasyon ng pagdalo, hindi sinipot ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Gayunpaman, nanindigan ang kaalyado ng dating Pangulo na hindi sadya ang hindi pagdalo ng 78-anyos na si Duterte.
“Galing po siya sa China, medyo pagod. Nasa Davao po siya… kakarating lang niya noong Sabado,” paliwanag ni Senador Bong Go sa panayam kasabay ng pagbubukas ng plenaryo.
Bago pa man ang takdang araw ng taunang SONA ng Pangulo, lumipad na si Duterte patungong China para makipagpulong kay Chinese President Xi Jinping.
Usap-usapan pa rin ang dahilan sa likod ng byahe ng dating Pangulo sa bansang China, matapos itanggi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang anumang kaugnayan sa naturang pagbisita ni Duterte.
Taliwas naman sa pahayag ng DFA, nilinaw ni Pangulong Marcos na alam niya ang pagbyahe ni Duterte sa China.