SINUPALPAL ng minorya sa Senado ang giit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa usapin ng kawalan ng trabaho sa hanay ng mga obrero.
Paglalarawan ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, malayo sa katotohanan ang ulat sa bayan na binigkas ng Pangulo sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) kung saan sinabi ni Marcos na umangat ang employment rate sa antas ng 97%.
Hindi rin aniya makatotohanan ang bahagi ng kanyang talumpati kung saan giniit naman ni Marcos na nasa 11.7% na lang ang underemployment rate.
“That’s far from reality,” ayon kay Pimentel.
“Masyadong mataas eh… kung tingnan natin ang figure na binigay ni presidente sa employment rate natin practically we have full employment… I do not believe it because I could see unemployment all around us,” aniya.
Hinikayat rin ng lider ng minorya si Marcos na magsagawa ng double checking sa bilang at kasabay ng hamon sa Department of Labor and Employment (DOLE) na magsuplay ng datos na halaw sa tinawag niyang “really accurate figures.”
“The president should have given details on how the “trillions in pledges” can be translated into actual economic activity and job generation,” aniya pa.
Para naman kay Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, masyadong overstated ang datos.
“Overstated ‘yung kanilang employment percentages and underemployment percentages… Pag 95% ang employment sa isang ekonomiya, full employment na ‘yon. So, you mean to tell me, Mr. President, more than full employment na tayo? Hindi po,” wika ng militanteng mambabatas.
Binanggit din ng opisyal nabigo ang Pangulo mag-ulat sa iba pang mahalagang usapin kabilang ang usapang pangkapayapaan, umento sa sahod, kasong kinakaharap ni dating Pangulo Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), West Philippine Sea at estado ng karapatang pantao sa bansa.
Kinutya rin ni Pimentel ang naging reaksyon ng mga dumalo sa SONA matapos niyang banggitin ang Maharlika Investment Fund – “’Yung Maharlika, kung napansin ninyo, when he first mentioned it, napansin ko walang pumalakpak e. So, I don’t think that even Congress is excited about Maharlika,” ayon kay Pimentel.
Para kay Pimentel, hindi dapat ipagyabang ng administrasyon ang bagong batas dahil magmumula ang seed capital nito sa bangko ng gobyerno na maaring deposit liabilities.
“So, Maharlika is not an achievement – the Maharlika Investment Fund – and I think Congress knows it. When it was first mentioned, wala naman applause. Walang spontaneous applause,” aniya.
Binatikos din ni Hontiveros ang SONA sa kawalan ng pagbanggit sa “West Philippine Sea”.
“Hindi nila binanggit ang West Philippine Sea. Ang sabi lang nila ulit sovereignty through dialogue. Naku ha, baka isang century tayo nakikipag-dayalogo sa China, dinededma pa rin niya tayo,” aniya.
Dapat aniya, binanggit ni Marcos ang The Hague ruling sa kanyang speech upang igiit ang soberanya ng Pilipinas sa China-claimed territory.
“Ang isang hindi nagawa ni Presidente sana sabihin niya na once and for all, explicitly, na itinataguyod nila ang ating tagumpay sa the Hague kasi once ginawa nila ito then we will be in full support sa lahat ng aksyon ng Executive,” aniya.
“Hindi malakas ang sinabing paninindigan para sa sovereignty. Mas mahina kesa sa posible kasi sa diplomasya sa politika, gagamitin mo ang pinakamalakas na sandata mo and this is the most powerful, peaceful, nonviolent, diplomatic political [way]… ‘Yun ‘yung Hague ruling,” paliwanag pa niya.
Hinggil naman sa malakas na statement ni Marcos laban sa smuggling, sinabi ni Hontiveros na kahit pangunahing opisyal ng gobyerno ay sangkot sa agricultural smuggling.
“[Ang smuggling] na nga ang isa sa mga pinakamalaking problema hanggang sa ngayon sa agrikultura kung saan wala pa tayong full time Agriculture Secretary to the point na ‘di ba sa pinakahuling hearing ng Blue Ribbon, sinabi pa ni Executive Secretary na hindi kailangan ng sugar order para makapag angkat ng asukal,” aniya.
“Yun na nga ‘yung isang naging ugat ng sugar smuggling, economic sabotage na very sadly mga government officials mismo at agencies ay mga kasabwat. At speaking of asukal, isa yan sa mga pangunahing bilihin, pagkain na in-enumerate ni presidente na di umano bumaba na raw ang presyo pero hindi pa talaga nangyayari yon,” dagdag niya.
Kung bibigyan nya ang marka si Marcos sa content ng SONA, sinabi ni Hontiveros na ibibigay niya ang 70 percent rating.
“Kung ang kanilang State of the Nation Address ay hindi rin kumpleto at accurate, makatotohanang picture, kulang na kulang pa sa kung ano ang plano niyo sa susunod na kalahating dekada, hindi rin ako makapagbigay ng passing grade. So, 70 at best.”