WALANG pag-asang mapuksa ang korapsyon sa pamahalaan kung hindi kakalusin ang kapangyarihan ng probisyong nagbibigay kapangyarihan sa Department of Budget and Management (DBM) na magsingit ng “unprogrammed appropriations” sa ilalim ng 2026 General Appropriations Bill.
Sa isang pulong-balitaan, partikular na tinukoy ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio ang Special Provision No. 9 ng Amounts Under the Unprogrammed Appropriations sa 2026 General Appropriations Bill na posibleng magbigay-daan para magamit ang unprogrammed appropriations (UA) sa mga infrastructure project.
Pag-amin ni Tinio, bagamat inalis na ng Kamara ang pondo sa ilalim ng UA para sa imprastraktura, kapansin-pansin umano ang probisyon na nagbibigay ng kapangyarihan kay DBM Secretary Amenah Pangandaman para magpasok ng pondo.
Paliwanag ni Tinio, ang UA sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP) ay may kabuuang halaga na P280 bilyon. Sa naturang halaga, P80 bilyon ang nasa ilalim ng Strengthening Assistance for Government Infrastructure Program (SAGIP).
Nang alisin umano ng Kamara ang pondo para sa SAGIP ang natira ay nasa P45 bilyon.
“So ang dating wala ng infrastructure, ang dating parang ayuda na lang itong P45 billion,” ani Tinio. “The impression is pang-ayuda na lang ito, kung kailangan ng ayuda at may excess revenue pwedeng gamitin para sa dagdag na ayuda ng gobyerno.”
Kung susuriin umanong mabuti, sa P45 bilyong natira, P40 bilyon ang inilaan para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) at P4.9 bilyon para sa Capital Outlay (CO).
“Para saan ba ang capital outlay, pang infra among others. So puwede pa ring gamitin ito for infrastructure projects,” paliwanag ni Tinio.
“Ngayon sasabihin P5 billion na lang yan, maliit na lang yan. True, pero merong probisyon sa unprogrammed appropriations na nagpapahintulot sa DBM na dagdagan ito ng kahit magkano mula sa ibang mga pondo ng unprogrammed appropriations,” dagdag ng militanteng kongresista.
“So ang punto natin bagaman…. parang winawasiwas ng House na tinanggal na `yung infrastructure projects from unprogrammed appropriations actually may backdoor pa rin dito kung gusto nila ay pwedeng kargahan pa rin ng infrastructure projects ang unprogrammed appropriations and agad presidente ang may say dito, dahil ayon sa batas basta lump sum appropriations presidente ang nag-a-approve,” aniya pa.
Ayon kay Tinio, noong 2023 at 2024 nasa 3,700 infrastructure projects na nagkakahalaga ng P214.4 bilyon ang napondohan gamit ang UA.
