
SA hangaring tugunan ang inaasahang kakulangan ng pampublikong transportasyon sa ikinasang tigil-pasada, ipinag utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paglalabas ng Special Permit sa iba pang pampublikong sasakyan na pantapat sa transport strike sa Metro Manila at ilang probinsya.
Sa ilalim ng LTFRB Board Resolution No. 06 series of 2023, inatasan ng ahensya ang lahat ng Regional Directors na mag-isyu ng Special Permits bilang para makabyahe ang mga operator at tsuper ng mga pampublikong sasakyan sa labas ng kanilang ruta.
Sa naturang Memorandum Circular, maaaring mag-isyu ng Special Permit ang LTFRB bilang paghahanda sa anumang sitwasyon na posibleng makaapekto sa kaligtasan at kaginhawaan ng publiko partikular na ng mga pasahero.
Ayon kay LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano, isa lamang ang paglalabas ng Special Permit sa mga hakbang na isinagawa ng ahensya upang mapaghandaan ang ikinasang tigil-pasada ng iba’t ibang grupo sa sektor ng transportasyon.
Una na ring tiniyak ng LTFRB na nakipag-ugnayan na rin sila sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang masigurong ligtas ang lahat ng mga pasahero, driver, operator at maging ang mga grupo na mangunguna sa tigil-pasada.