SAMPUNG taon sa bilangguan ang hatol ng Sandiganbayan para kay former Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) chairman Efraim Genuino, kaugnay ng maanomalyang paggamit ng P37.06 milyong pondo ng naturang ahensya.
Partikular na tinukoy ng Sandiganbayan Third Division ang salaping inireleasse ng Pagcor na noo’y pinamumunuan ni Genuino ng P37.06 milyon para tustusan ang pagsasanay ng mga atletang sasabak sa swimming event ng 2012 London Olympics.
Sa kalatas ng Sandiganbayan, ‘guilty’ rin ang hatol kina ex-Pagcor president Rafael Francisco at dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman William Ramirez dahil sa paglabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sa ginawang pagsang-ayon na direktang ibigay ang pondo sa Philippine Amateur Swimming Association (PASA) sa halip na padaanin sa PSC.
Sa rekord ng husgado, lumalabas na binigyang pahintulot ni Ramirez si Genuino na ibawas na lang buwanang parte ng PSC sa kita ng Pagcor ang P37.06 milyon na kailangan sa pagsasanay ng mga atleta.
“Plainly, the direct release of a portion of the PSC’s share from PAGCOR to PASA was illegal as it directly contravened the above-quoted provision of the law,” saad sa isang bahagi ng pasya ng Sandiganbayan.
Bukod sa pagkabilanggo, diskwalipikado na rin ayon sa Sandiganbayan sina Genuino at Ramirez sa anumang posisyon sa gobyerno.