
SA hangarin tiyakin ang kaayusan sa taunang paggunita ng Semana Santa, isanlibong pulis ang inatasan magbantay sa mga pangunahing lansangan sa Central Luzon.
Sa direktiba ni Philippine National Police regional director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., inatasan ang lahat ng lokal na himpilang sakop ng PNP Regional Office – 3 na magtalaga ng mga pulis sa mga matataong lugar kabilang ang bus terminal, simbahan at pilgrimage sites na inaasahang dadagsain pagsapit ng Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Bukod PNP personnel, pasok din sa talaan ng lupong makakatuwang ng pulisya ang mga force multipliers, auxiliary forces kasama ang mga Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) at mga radio net group upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Dagdag ni Hidalgo, mas paiigtingin rin ang presensya ng pulisya sa agresibong foot/ mobile patrols at mga Police Assistance Desks/Centers.
Nagdeploy na rin aniya ng mga road safety marshals sa mga convergence points, partikular na sa mga bus terminal, paliparan, pantalan, pook pasyalan, daluyan ng trapiko at mga lugar na karaniwang pinamumugaran ng mga pusakal.
Nauna rito, nagbigay ng seguridad ang PNP regional command sa mga simbahan sa pagsipa ng panahon ng kwaresma.