
“MULAT na ang taumbayan sa katiwalian at pang-aabuso.” Ito ang paniwala ng mga kongresistang kabilang sa tinaguriang Young Guns ng Kamara, kasunod ng resulta ng pinakahuling survey kung saan umani ng suporta ang isinasagawang imbestigasyon ng quad committee ng Kamara.
Sa datos ng Pulse Asia, anim na bawat 10 Pinoy ang nagpahayag ng suporta sa pagdinig ng quad comm hinggil sa kalakalan ng droga illegal POGO at extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
“Ang resulta ng survey ay malinaw na nagpapakita na hindi na bulag ang taumbayan sa mga katiwalian. Hinihingi nila ang katotohanan at hustisya, at kami sa Kongreso ay hindi titigil hanggang makamit ito,” saad sa joint statement ng mga miyembro ng Young Guns.
Ayon kina Reps. Rodge Gutierrez (1-Rider Partylist), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur), Pammy Zamora (Taguig), Jay Khonghun (Zambales), Paolo Ortega V (La Union), Jil Bongalon (Ako Bicol Partylist), at Lordan Suan (Cagayan de Oro City), patunay ng pagsang-ayon ng sambayanan sa isinusulong na transparency at accountability ang resulta ng Pulse Asia survey.
Ang Young Guns na kinabibilangan ng mga kabataang mambabatas ang nanguna sa 13 pagdinig ng Quad Comm na naglantad ng nakakaalarmang kaugnayan ng EJKs, mga sindikato ng droga, at ilegal na operasyon ng POGO, pati na rin ang mga alegasyon ng money laundering, pag-iwas sa buwis, at human trafficking.
Sa ilalim ng initial committee report ng joint panel, lumalabas na ang giyera kontra droga ni former President Rodrigo Roa Duterte ay nagsilbing pantakip sa isang “grand criminal enterprise,” na kinasasangkutan ng mga mataas na opisyal ng gobyerno na kumikita mula sa kalakalan ng droga.
SA lawak ng suporta sa quad comm, tumaas pa lalo ang determinasyon ng mga kongresista na tuklasin ang katotohanan at panagutin ang mga sangkot sa anila’y “napakalaking sindikato.”
“Ang laban na ito ay laban para sa bayan. Hindi kami titigil hanggang mailantad ang buong katotohanan at mapanagot ang mga nasa likod ng katiwalian, iligal na droga, at mga pag-abusong ito. Ang suporta ng taumbayan ang aming inspirasyon sa bawat hakbang na aming ginagawa,” ayon pa sa grupo.
Tiniyak ng mga mambabatas sa publiko na ang Kamara, sa pamumuno ni Speaker Martin G. Romualdez, ay mananatiling matatag sa pangakong ilantad ang katotohanan at ipakulong ang may sala, kasabay ng giit para sa pagbalangkas ng panukalang reporma para para hindi na maulit ang nabistong bulilyaso sa mga susunod na panahon.
“Tinitiyak namin sa publiko na ang Kongreso, sa pangunguna ng aming lider na si Speaker Romualdez, ay buo ang loob at determinasyon na tapusin ang laban na ito,” giit pa ng Young Guns.
“Higit pa sa mga numero sa survey, ang nakikita natin dito ay ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa hangaring makamit ang isang malinis, maayos, at makatarungang lipunan. Ito ang mandato na aming pinanghahawakan.” (Romeo Allan Butuyan II)