HINDI titigil ang Kamara sa pagsasagawa ng imbestigasyon hangga’t hindi nareresolba ang problema sa mataas na presyo ng mga pagkain at maging bayarin sa kuryente, ayon kay Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., kasabay ng pangakong pananagutin ang mga abusadong negosyante at mga kasabwat sa pamahalaan.
“Patuloy nating palalakasin ang kapangyarihan ng oversight ng Kamara para tugisin ang mga irregularidad na nagpapahirap sa ating mga kababayan. Hindi natin hahayaang magpatuloy ang mga maling practice na nagdudulot ng mataas na presyo ng pagkain at kuryente,” pahayag ni Gonzales.
“We are uncovering the mechanisms that allow cartels to thrive, and this House is determined to dismantle these networks of greed,” dagdag ng ranking House official.
Sa muling pagbabalik-sesyon ng Kongreso, ipagpapatuloy ng House Quinta Comm, na kilala rin bilang Murang Pagkain Super Committee, ang pagbusisi sa mga isyu ng agricultural smuggling, hoarding, at price manipulation, na natukoy na nagpapataas sa food inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng pagkain.
Iniimbestigahan naman ng House Committees on Ways and Means at Legislative Franchises ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang matiyak na ginagampanan ng naturang ahensya ang obligasyon, nagbabayad ng tamang buwis, at tama ang sinisingil sa mga konsyumer.
Itutuloy din ng Quad Comm ang imbestigasyon sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), at ang kaugnayan ng naturang ilegal na negosyo sa money laundering, at extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
“This probe is not just about accountability: It is about upholding human rights and protecting our national interests,” giit ni Gonzales.
Ang House Blue Ribbon Committee ay nagsasagawa rin ng imbestigasyon kaugnay ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education sa paratang na pagwawaldas ni Vice President Sara Duterte.
Target din ng Kamara siyasatin ang mga vlogger at “troll army” sa likod ng nagkalat na maling impormasyon.
“Hindi dapat gamitin ang social media para sa paninira at disinformation laban sa mga nagsusulong ng katotohanan at accountability,” saad pa ng Pampanga solon. (Romeo Allan Butuyan II)
