
SA halip na asintahin ang mga resource persons, hinikayat ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang House Quad committee na siyasatin din ang umano’y lumalalang kriminalidad sa bansa.
Partikular na tinukoy ni dela Rosa ang insidente sa bayan ng Makilala sa lalawigan ng Cotabato kung saan walang habas na nagpaputok sa baril ang pulis na bangag sa droga habang sakay ng isang bus. Ang resulta – patay ang isang Reynaldo Bigno matapos tamaan ng bala. Sugatan din ang dalawang kapwa pulis na rumesponde sa naturag insidente.
“Ayun dapat ang imbestihan ng Quad Comm, ‘yung mga ganyang insidente ba, na bakit dumadami na ngayon ang mga taong kriminal na malakas na ang loob mamaril ng pulis,” wika ni dela Rosa ani Dela Rosa matapos personal na maki dalamhati sa burol ni Bigno.
“Hindi ‘yung mga pulis na nagtatrabaho ng maayos. Katulad ni Gen. Wilkins Villanueva… nai-cite in contempt pa nila, ‘di ba?” dugtong ng Mindanaoan lawmaker.
Para sa former PNP chief, tila hindi na natatakot at sumusunod ang mga kriminal sa mga awtoridad dahil ilan sa mga kasapi ng huli ay ginigisa ng House Quad Comm at may pagkakataon pang pinakukulong.
“Kaya mas lalong lumakas loob ng mga kriminal, lumakas ang loob ng mga drug pusher, ng mga drug lord dahil wala na silang kinakatakutan. Hindi na sila natatakot sa mga awtoridad dahil ‘yung awtoridad, iniipit nila sa Quad Comm,” ayon pa kay dela Rosa.
“So ngayon dumami na naman ang adik, matapang na naman ‘yung mga pusher, matapang na naman ‘yung mga drug lord, carnapper,” giit din niya.
Kamakailan ay binisita rin ni dela Rosa si Patrolman Russell Tapia, isa sa PNP officers na binaril at nasugatan ng isang pulis na umano’y nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot sa loob ng pampasaherong bus.
Sa kanyang Facebook posts, kinastigo ni dela Rosa ang mga tinaguriang narco-politicians na nasa likod ng pagkalat ng ilegal na droga sa bansa.
“Shoutout to all drug lords, drug protectors and politicians who contributed to the proliferation of illegal drugs! Sagutin naman ninyo ang bayad ng punerarya! Meron din sana kayong corporate social responsibility sa laki ng business ninyo!”
Matatandaan na minsang pinamunuan ni dela Rosa ang giyera kontra droga sa ilalim ng Duterte administration.
Binigyan-diin ng senador ang pangangailangang ipagpatuloy ang masigasig na anti-illegal drug campaign matapos ang termino ni former President Rodrigo Duterte kung saan paliwanag nito, ang paglaganap ng illegal drugs ang isa sa pangunahing dahilan ng pagtaas ng insidente ng iba’t-ibang krimen sa bansa.