
NANAWAGAN ang Power for People Coalition (P4P) ng pansamantalang pagtigil o moratorium sa pagsingil at pagputol ng kuryente sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Carina at hanging Habagat noong nakaraang Linggo.
Hiling nila sa Meralco at Energy Regulatory Commission (ERC) na umaksyon batay sa malawakang pinsala likha ng kambal na delubyong tumama sa Metro Manila at mga karatig probinsya.
“Halos daigin ng bagyong Carina at ng hanging Habagat ang buhos ng ulan na dulot noon ng bagyong Ondoy. Maaring humupa na ang baha pero kailangan pa ng ating mga kababayan ng mas mahabang panahon at ayuda para kumpunihin ang kanilang mga bahay at buhay, wika ni Gerry Arances, convenor ng P4P.
“Hindi limitado sa ayuda at calamity loans ang kailangan ng mga binaha. Kailangan din nila ng pagpapaliban sa pagbayad ng kuryente na sinisingil kada buwan. Sa laki ng tinutubo ng mga kumpanya sa enerhiya, hindi kalabisan na mag-ambag sila para makabangon agad ang bansa,” dugtong niya.
Naapektuhan ng Carina at ng hanging Habagat ang mahigit 4.6 milyong katao at nagtala ng ₱1.6 bilyon pinsala sa imprastraktura ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC). Namahagi naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng ₱200 milyong ayuda, pero tingin ng grupo mas angkop ang moratorium sa singilan at putulan ng kuryente para bawasan ang dagok ng kalamidad – lalo pa’t kontrobersyal ang ₱2/kWh na dagdag-singil noong Hulyo.
“Kapos ang ayuda at calamity loans para tustusan ang gastos sa pagkumpuni ng mga bahay at buhay ng mga naapektuhan ng pagbaha. Malaking bahagi ng buwanang budget ng pamilya ang pambayad sa kuryente at ang pagpapaliban ng singil at pagputol ay malaking bagay sa mga binaha pero hindi ito kalabisan sa Meralco lalo pa’t una pa lang, hindi na dapat nagdagdag ng singil ang Meralco,” paliwanag ni Arances.
Inanunsyo ng Meralco na ang kanilang sinisingil ngayong buwan ay bahagi ng kanilang staggered collection ng generation cost mula sa spot market. Ang patuloy na pagtangkilik sa mas mahal na kuryente ng spot market ay dulot ng patay-sinding operasyon ng mga planta ng maruming kuryente noong tag-init.
“Higit kailanman, usisain natin ang karagdagang singgil. – sino ang mga may-ari ng mga plantang marurumi na nasa likuran ng patay-sinding operasyon nito at bakit tayo ang nagbabayad nito? Bakit ito ipinapasa sa mga biktima ng bagyong Carina habang hindi nananagot ang mga plantang kumontrata nito?” aniya pa.
Banggit din nito na lalo pang pinalala ng polisiya ng gobyerno ang climate emergency na nagdulot ng kambal na delubyong tumama sa bansa.
“Kinakatawan ng bagyong Carina at ng hanging Habagat ang epekto ng mga polisiya ni Department of Energy (DOE) Secretary Raphael Lotilla. Ang patuloy na pagsusunog ng maduming enerhiya, gaano man ito “kalinis” ay magpapabilis sa krisis sa klima, na magdadala pa ng mas maraming Carina sa bansa. Nasa Letter “C” pa lang tayo, may paparating pang 13 hanggang 15 bagyo. Panahon na para isalang-alang ng gobyerno ang direktang relasyon ng patakaran nito sa enerhiya sa climate change at amyendahan agad ito.”