Ni ESTONG REYES
HINDI magiging madali para sa administrasyong Marcos makuha ang pagsang-ayon ng Senado sa panukalang 2025 national budget, ayon kay Senate President Francis Escudero kasabay ng garantiyang bubusisiin sa lahat ng itinutulak na confidential and intelligence funds (CIF) na nakapaloob sa 2025 National Expenditure Program.
Para kay Escudero, hindi angkop sa mga civilian agencies ang CIF na aniya’y dapat nasa kamay ng law enforcement agencies.
“Kasi ang pangunahing may trabaho kaugnay niyan ay law enforcement agencies, pero liwanagin ko rin na di ganoon kalibre yung pera ng CIF ha,” aniya.
Nakasaad sa Joint Circular No. 2015-01 na inilabas ng budget, interior and defense departments, Governance Council for GOCCs at ang Commission on Audit, na meron lamang piling ahensya ang pwedeng bigyan ng CIF at kung magkano at paano lang maaaring gamitin.
Gayunpaman, wala naman aniyang plano ang senado na bawasan ang isinusulong na CIF ng ilang departamento sa kabila ng masamang performance lalo pa’t posible aniyang magdulot ng negatibong epekto.
“Kung saka-sakali, titingnan namin yung utilization ng intelligence fund. Saan ba napupunta ito para di nila magampanan yung trabaho nila sa kabila ng pondong binigay namin sa kanila?” aniya.
Naglaan ang executive branch ng P5.9 billion sa intelligence expenses — ang spy funds ng military at iba pang uniformed branches of government — na mas mababa sa P8.267 billion na inilaan sa 2024.
Nagpanukala naman ng halagang P4.3 bilyonng confidential funds sa civilian agencies kumpara sa P4.1 bilyon sa 2024 budget.
Bukod sa Pangulo, na tumatayong commander in chief ng Armed Forces of the Philippines kabilang ang mga sumusunod na tanggapan ang may hiwalay na confidential funds:
• Department of National Defense na nangangasiwa sa AFP
• Department of Interior and Local Government na may superbisyon sa Philippine National Police
• Department of Justice na may saklaw sa National Bureau of Investigation
• Department of Transportation na ahensyang kinabibilangan ng Philippine Coast Guard
• Department of Environment and Natural Resources
• Department of Finance
• Department of Social Welfare and Development
• Other Executive Offices
• Commission on Audit
• Office of the Ombudsman
• Commission on Human Rights
“Dapat tanungin bakit mababa. Halimbawa, kung gamot ang pinag-uusapan natin, eh di porke’t mababa ‘yung absorptive capacity ng pambili ng gamot ‘di na natin bibigyan ng pera pambili ng gamot,” aniya.
