YAMAN din lang tapos na ang pakay ni Vice President Sara Duterte sa The Hague, Netherlands, hinikayat ng isang ranking House official ang pangalawang pangulo na paghandaan naman ang pinananabikang pagsalang sa impeachment trial ng Senado.
“Welcome back po to our VP… syempre maganda nakabalik siya kasi nga paghahandaan na itong [trial sa] mga susunod na buwan. In terms of biyahe niya, personal trip naman kasi talaga yun at naiintindihan po namin. So welcome back po, ma’am,” wika ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega (La Union).
Payo ni Ortega, kailangan pagtuunan ni Vice President Duterte ang depensa sa napipintong paglilitis kaugnay ng mahabang talaan ng alegasyon – kabilang ang umano’y paglustay ng hindi bababa sa P612-milyong confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President at sa Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan bilang Kalihim.
“Well, I guess she should be prepared. Kasi when we were doing the hearings, parang they were actually asserting na mag-impeachment na lang, di ba. Para sa korte pagdebatehan, sa korte ilatag yung mga ebidensya. So I think they should be,” dugtong ni Ortega.
Ayon sa ranking House official, hindi pa rin nakakapag paliwanag si Duterte sa mga ipinupukol na alegasyon ng katiwalian.
“Well… sa briefings, sa hearings, wala naman pong maipaliwanag, wala naman pong maayos na pagsagot, kasi nga parang evasive sila sa issues na yun eh…At sabi ko nga meron na pong impeachment…hindi na nila hindi pwedeng sagutin yang mga tanong na ‘yan,” dagdag ng mambabatas.
Kung sinunod lang aniya ng tanggapan ni VP Duterte ang panuntunan sa paggamit ng confidential funds, mas madali sana umano malalaman kung saan napunta ang kabuuang P612.5 milyong pondo.
“Ang point lang naman natin pera ng taong-bayan yan… pero sabi ko nga, ang dali lang ipaliwanag nyan. Napaka simple naman po susundin lang yung guidelines, may paraan po diyan sa paggamit ng confidential funds, meron pong dapat sundin tungkol diyan. Eh nung hearing pa lang dapat napaliwanag na nila yan,” giit niya.
Hanggang ngayon, ayon sa House leader, ay hindi pa rin nagbibigay ng klarong paliwanag si VP Duterte kung paano ginamit ang napakalaking halaga ng intelligence fund.
“Hanggang ngayon wala pa pong sagot. Kaya nga sabi ko, sa impeachment na rin siguro magkakaroon ng mas klaro na kasagutan tungkol dito. Pero right now sabi ko maganda rin po makita yung anggulo ng mga tao na merong pangalan at meron pong pagkatao at may requirements po from the PSA. At syempre itong mga tao maganda rin pong malaman kung nakatanggap nga po ba sila o hindi,” pahabol ng kongresista. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
