MATAPOS ang limang buwan ng pananatili sa ibang bansa bunsod ng patong-patong na kasong isinampa ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng mahabang talaan ng patayan sa Negros Oriental, tuluyan nang idineklara bilang terorista si suspended Rep. Arnolfo Teves, alinsunod sa rekomendasyon ni Justice Secretary Crispin Remulla.
Kasunod ng deklarasyon ng pagiging terorista, inembargo rin ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang mga pag-aari ng nagtatagong kongresista.
Bukod kay Teves, kabilang rin sa iba pang inihanay ng ATC bilang terorista sina former Negros Oriental Governor Pryde Henry, di umano’y bagman na kinilala sa pangalang Marvin Miranda, Rogelio Antipolo, Rommel Pattaguan, Winrich Isturis, John Louie Gonyon, Dahniel Lora, Eulogio Gonyon Jr., Tomasino Aledro, Nigel Electona, Jomarie Catubay at Hannah Mae Sumero Onay.
Paliwanag ni Anti-Money Laundering Council (AMLC) legal officer Luis Warren, ang paglabas ng freeze order sa yaman ni Teves ay batay sa Section 25 ng Anti-Terrorism Act.
“The assets of the designated individual, groups of persons, organization or association above-mentioned shall be subject to the authority of the Anti-Money Laundering Council (AMLC) to freeze pursuant to Section 11 of Republic Act No. 10168 [or The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012],” saad sa naturang probisyon.
“So, upon the designation of an individual or organization, it is ministerial upon the part of the Anti-Money Laundering Council to issue an ex parte order to freeze without delay the assets of the subjects in this case. So, that’s all,” ani Warren sa isang panayam.
“Iyon ang proseso na nakalagay sa [Anti-Terrorism Act] at sa implementing rules na ang designation hindi kailangan na marinig ang panig ng dini-designate – ano ang dahilan dito? Kung alam na niya na idi-designate siya eh di itatakbo na niya iyong mga assets na matatamaan ng designation,” pahayag naman ni Nicolas Felix Ty na tumatayong tagapagsalita ng DOJ.