Ni Ernie Reyes
DAPAT simulan nang sampolan ng mga awtoridad ang tapang ng Subscriber Identity Module (SIM) Registration law sa pamamagitan ng pag-aresto at pagpataw ng parusa sa mga text scammer, ayon kay Senadora Grace Poe.
Sa pahayag, sianbi ni Poe na maganda ang probisyon ng batas ngunit, kailangang lang ng epektibong implementasyon ng concerned agency, law enforcer at telecommunications companies (telcos) sa halip na itigil ang sistema.
“Nasa awtoridad ang responsibilidad ng maayos na pagpapatupad ng batas na ito. Ang sabi ko nga, kung may matibay na ebidensya laban sa mga nahuli na lumalabag sa batas, sampolan n’yo na,” sabi ni Poe, principal author at sponsor ng Republic Act No. 11934 o SIM Registration Act.
“Ang dapat talaga, pinatutupad ang batas. Kapag may nakita ang ating mga kababayan na nahuli at kinulong dahil dito nga sa mga fake registration ng SIM o nagbebenta ng pre-registered na SIM, kahit papaano mababawasan yan,” dagdag niya.
Nauna nang nagsagawa ng mga pagsalakay ang mga pulis sa cybercrime hubs kung saan natuklasan ang daan-daang pre-registered SIM cards.
“Ano na ang nanagyari doon sa mga nahulihan ng may fake na SIM card? Hindi ba dapat iyon ang ikulong o kasuhan?” ani Poe.
“Dati, kung may makita na may fake na SIM cards, hindi makasuhan dahil walang batas, ibig sabihin, hindi iligal ‘yun. Ngayon, binigyan na natin ng armas ang awtoridad sa pamamagitan ng batas. Umaasa ang ating mga kababayan na gagawin nila ang trabaho nila,” dagdag niya.
Umaasa si Poe na isasama ang live selfie bilang bahagi ng verification process sa SIM registration.
Tinatalakay na ng National Telecommunications Commission at telcos ang mga paraan para mapalakas ang implementing rules and regulations (IRR) ng bata sa gitna na patuloy na paglaganap ng text scams.
Subalit sabi ni Poe, ang mga in-charge sa SIM registration ay dapat bigyan din ng konsiderasyon ang mga lehitimong kumpanyan na kailangang iparehistro ang kanilang mga empleyado bilang isang grupo.
Aniya, dapat magtulungan ang mga ahensiya ng gobyerno at telcos para palakasin ang mekanismo sa pag-ulat tungkol sa text scams at mga kaugnay na pandaraya.
“Dapat may mas madaling reporting mechanism kapag meron tayong nakukuhang mga fake na SIM card o may mga nanloloko. Dapat laging may sumasagot sa telco hotlines na pwedeng tumulong sa ating mga kababayan,” sabi ni Poe.
“Dapat may timeline din ng pag-aksyon sa mga nirereport at may agarang feedback para naman maging mas epektibo at mabisa ang batas,” saad pa niya.