NAIS ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tuluyan nang ipagbawal ang paputok sa selebrasyon tuwing Bagong Taon.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, dapat magpasa ng mga ordinansa ang mga lokal na pamahalaan na nagbabawal sa mga paputok sa bahay at iba pang lugar.
Hinimok din ni Abalos ang local government units na mag-sponsor ng community viewings ng fireworks display.
“Nananawagan ako sana ang mga LGU, magpasa ng gaya ng ginawa ng Davao at Quezon City, ng firecracker ban. Ibig sabihin ‘yung mga pumuputok. Kasi nakita naman natin ‘yung mga daliri napuputol, i-ban na natin totally ‘yun,” ani Abalos.
Matatandaan na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order 28 na nagbabawal sa mga paputok sa mga tirahan sa buong bansa.
Tanging papayagan lamang ang community fireworks na pinangangasiwaan ng licensed individuals.
Nagpaalala rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko na bawal ang paggamit ng fireworks sa mga tirahan sa Metro Manila.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Don Artes na ang Metro Manila Council ay nagpasa ng resolusyon na nagbabawal sa paggamit ng firecrackers sa mga tirahan at mga kalsada.
“Meron lamang designated areas kung saan pwedeng magpaputok, community ‘yan at sponsored yan ng LGUs,” ani Artes.
“Again nire-remind mga kababayan lalo na sa Metro Manila bawal magpaputok kahit sa tapat ng inyong mga bahay,” dagdag pa niya.