LAGANAP na naman ang iba’t ibang uri ng scam dahilan para paalalahanan ng Bureau of Customs (BOC) ang publiko.
Nagbabala ang BOC sa mga kumakalat ngayong mga ‘parcel scam’ habang nalalapit na ang Kapaskuhan.
Ayon sa ahensiya, hindi dapat agad maniwala ang publiko sa tawag, mensahe o email na nagsasabing mayroon silang package o parcel na nakabimbin sa BoC dahil may scammer umano na nagpapanggap na tauhan ng BoC o foreigner at maniningil sa pamamagitan ng personal bank account o money remittance para mailabas ang kunwari ay na-hold na padala.
Nilinaw din ng ahensya na ang pagbabayad ng Customs duties at taxes ay maaari lamang gawin sa kanilang cashier o sa pamamagitan ng Authorized Agent Banks at para umano makasiguro, ipinayo ng BoC na maaring mag-check muna sa website ng Department of Trade and Industry kung ang nasabing courier o forwarder ay accredited.
Maaari rin umanong makipag-ugnayan sa BoC para tiyakin kung ang resibo, tracking number at iba pang dokumento na natanggap ay totoo.