PARA kay dating Senator Antonio Trillanes IV, kailangan managot sa batas si Senador Robin Padilla na umano’y tumulong para makatakas si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sa isang panayam, tinanong si Trillanes sa dapat mangyari kasunod ng naganap na kaguluhan sa loob ng Senado noong Mayo 11, gayundin ang putukan sa ikalawang palapag ng Senate building, hanggang sa tuluyang naglaho ang wanted na senador.
Ibinahagi ni Trillanes ang aniya’y papel na ginampanan ni Padilla sa biglang paglalaho ng kapwa senador na target ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Gayunpaman, nilinaw ng dating mambabatas na dapat pairalin ang proseso – at kabilang sa sinasabing proseso ang pagpapanagot sa tumulong sa pagtakas ni Dela Rosa.
“Mayroong proseso… pero kailangan niyang makasuhan. Maliwanag yun. Siya ang ang nagpatakas. May mga testigo, may mga ebidensya,” ani Trillanes.
“Ngayon, kailangang makasuhan muna then bahala na ang korte sumentensiya sa kanya [Padilla],” dugtong pa ng dating senador.
Una nang sinabi ng National Bureau of Investigation sa pasok sa kategorya ng “person of interest” si Padilla base sa CCTV footage kung saan nakita magkasamang pumunta sina Padilla at Dela Rosa sa parking lot ng Senado.
Kapwa sumakay sa puting SUV sina Padilla at Dela Rosa.
