NI LILY REYES
Sa hangaring akitin ang hanay ng mga diskumpiyadong operator at tsuper ng pampasadang jeep, nagpahayag ng kahandaan ang Department of Transportation (DOTr) na tulungan ang mga kooperatibang tumalima sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng pamahalaan.
Sa isang pahayag, ibinahagi ng ahensya ang tulong pinansyal na ipagkakaloob ng pamahalaan para bayaran ang obligasyon ng mga kooperatiba sa mga inutangang bangko.
Gayunpaman nilinaw ng DOTr na hindi limitado sa mga kopperatibang nakapaloob na sa modernization program ang ayuda ng pamahalaan.
Katunayan anila, nananatiling bukas ang pamahalaan sa pagtanggap ng aplikasyon mula sa mga operator at drayber na hindi pa nakakasama sa modernization program.
Una nang inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DOTr na tiyakin ang tulong sa mga kooperatiba na hirap sa pagbabayad ng monthly amortization ng modern jeeps.
Kabilang rin umano sa utos ng Pangulo ang tugunan ang ilang isyu gaya ng route rationalization, pag-liberalize ng mga regulasyon sa paggawa ng jeepney, at ang mabilisang proseso para sa mga nais sumapi sa consolidation.
