
NAIS ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at kanyang mga kasamahan sa ACT-CIS partylist na patawan ng mas mabigat na parusa at pagkakulong ang sinumang manloloko at mambibiktima ng mga overseas Filipino worker (OFWs).
Para kay Tulfo, higit na angkop bigyan ng proteksyon ang sektor na kilala rin bilang bagong bayani ng bansa – bagay na matutugon lang kung ganap na maisasabatas ang panukalang “An act penalizing fraud against Overseas Filipino Workers (OFW) and providing penalties for violation thereof.”
Bukod kay Tulfo, kabilang rin sa may-akda ng nasabing panukala Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap, at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo.
“Kadalasan ang natatanggap naming sumbong ay mga OFW na binibiktima ng mga scammer, lalo na tuwing uuwi sila sa Pilipinas,” ani Cong. Erwin Tulfo.
Paliwanag niya, “sa halip kasi na mapunta sa kanilang pamilya o iipunin ang perang pinaghirapan sa ibang bansa, ay sa mga manloloko lang napupunta,”
Kalimitan aniyang nai-scam ang mga OFW sa mga business investment tulad ng networking o lending, college plan ng mga bata, at pabahay.
“Dapat na wakasan na yan… kailangan natin ang batas na magpo-protekta sa mga OFW,” ani Tulfo
Ayon naman kay ACT-CIS Rep. Edvic Yap, dapat kilalanin ng estado ang ambag ng mga OFW sa kaunlaran ng bansa, kasabay ng panawagan sa pamahalaan na protektahan ang sektor na nakikipagsapalaran sa ibang bansa para itaguyod ang pamilya at tumulong sa ekonomiya ng Pilipinas.
Kalakip ng panukala ang hindi bababa sa P10 milyong multa at 20 taon hanggang life imprisonment sa mga napatunayang nagkasala.
“The Act enforces significant penalties for offenders, including hefty fines and imprisonment, while emphasizing restitution so that victims of fraud can recover their financial losses,” saad pa sa naturang house bill.
“This comprehensive approach highlights the government’s dedication to safeguarding the welfare of OFWs and securing their financial stability, fostering an environment where they can contribute to national development without fear of exploitation. This Act represents a vital step toward empowering OFWs and protecting their hard-earned income,” aniya pa.
Pahabol ni Tulfo, “Ilang taon nilang inipon ang pera at nagtiis na mawalay sa pamilya
para kumita, tapos itatakbo lang ng mga scammer…tama na!” (Romeo Allan Butuyan II)