![](https://saksipinas.com/wp-content/uploads/2023/03/VM-Marin-Sibuyan.png)
SAN FERNANDO, Romblon – Ginulantang ng isang lokal na opisyal sa inihayag na posisyon ang iba’t-ibang grupong laban sa pagmimina ng ALTAI – Philippines Mining Corporation na di umano’y pag-aari ng pamilya ni Senador Win Gatchalian.
Kasabay ng ginanap na health orientation at feeding program na bahagi ng pagdiriwang ng International Women’s Month, nagpahayag ng siento-por-syentong suporta si San Fernando Vice Mayor Domingo Marin sa mining exploration na isasagawa ng ALTAI sa Barangay Taclobo.
“Sa kondisyong tatalima ang ALTAI sa mga umiiral na batas at reglamento ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), susuportahan ko ang operasyon ng pagmimina ng ALTAI,” any Marin.
Para sa naturang lokal na opisyal, malaking bentahe sa ikauunlad ng kanilang bayan ang mga aktibidades na magbibigay ng trabaho sa mga residente, makakapag-ambag ng pondo sa anyo ng buwis, at makakatulong sa mga makabuluhang programa ng lokal na pamahalaan.
Hinamon naman ni Engr. Stave Taule ng ALTAI – Philippines Mining Company ang mga tutol na grupo, residente at barangay officials na bantayan ang gagawing exploration bilang pagtitiyak na walang malalabag na batas sa mining exploration.
Paglilinaw pa niya, suportado di umano ng mga dokumento mula sa DENR at Mines Geosciences Bureau (MGB) Central Office ang isasagawang mining exploration.