MATAPOS ang mahigit isang buwan, wala pa rin tugon ang Department of Finance sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa pagbabalik ng P60-bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa isang panayam sa programang “At The Forefront” sa Bilyonaryo News Channel, ibinunyag ni Dr. Tony Leachon ang aniya’y kawalan ng aksyon ng DOF.
“The President has ordered the return of P60 billion. Pero ano nangyari?” wika ni Leachon, batay umano sa pag-amin ng mga opisyal ng state insurer.
“Taga-PhilHealth mismo nagsabi, hinihintay pa namin yung detalye kung paano isosoli,” dugtong ng health reform advocate.
Setyembre 20 nang atasan ni Marcos ang DOF na ibalik na sa PhilHealth and P60-bilyong “excess funds” na inilipat sa Bureau of Treasury noong nakaraang taon.
Ani Marcos, hangad ng administrasyon ipagamit sa PhilHealth ang naturang halaga para palawakin ang serbisyong pangkalusugan sa bansa.
