DAHIL na rin sa lawak ng impluwensya, minarapat ng Commission on Elections (Comelec) na bantayan ang mga vloggers at iba pang social media influencers na makikisawsaw sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, isusulong ng poll body ang pagre-regulate sa mga ganap ng online influencers sa mga politkong target makasungkit ng pwesto sa gobyerno. Maging yaong mga vloggers na mag-eendorso ng mga relectionist, di rin makakalusot sa nasabing ahensya.
Layon ng Comelec, maiwasan ang paglaganap ng mga fake news na karaniwang ginagamit ng mga politiko sa mga karibal sa kursunadang pwesto sa gobyerno.
Kabilang rin sa aniya’y babantayan ng Comelec ang gastos ng mga kandidato sa social media influencers at vloggers.
Katunayan pa ayon kay Garcia, nakikipag-ugnayan na ang Comelec sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na susuri sa kita ng mga social media influencers and vloggers para sa angkop na pagtataos ng buwis na dapat bayaran sa gobyerno.
Bukod sa mga social media influencers at vloggers, pasok din sa target ng Comelec ang mga paid political ads at talent fee ng mga personalidad na sasama sa pangangampanya.
