Ni LOUIE LEGARDA
DAHIL sa matabang cybercrime law, isang bagong batas ang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa hangaring bigyan ng angkop na proteksyon ang mga mamamayan laban sa online scams at iba pang anyo ng panloloko.
Sa ilalim ng nilagdaan Republic Act 12010 (Anti-Financial Account Scamming Act), nagtakda ng mas mabigat na parusa sa tinaguriang “money muling” na pasok sa kategorya ng money laundering.
Kabilang rin sa tututukan ng RA 12010 ang social engineering schemes, economic sabotage at iba pang ilegal na aktibidades na umiikot sa panggagantso.
Pasok din sa mga probisyon ng bagong batas ang dagdag-poder sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na imbestigahan ang mga financial accounts na pinaniniwalaang sangkot sa mga ilegal na aktibidades na binanggit sa ilalim ng RA 12010.
“This is essential in this time as cybercriminals use technology to defraud fellow Filipinos — causing not only personal economic loss through them but also a loss of trust in financial institutions,” paliwanag ng Pangulo.
“It will protect our people from falling prey to perpetrators who target their banks and e-wallet accounts…I hope that, through this law, we can deter the majority of the financial scams that we have been seeing while at the same time fostering greater trust in our digitization efforts,” aniya pa.
Kasabay din nilagdaan ng Pangulo ang Republic Act 12009 (New Government Procurement Act) na naglalayong gawing simple ang proseso ng gobyerno sa mga transaksyon patungkol sa mga pangangailangan ng pamahalaan para lubos na na maging epektibo sa implementasyon ng mga makabuluhang programa at proyekto para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.
