MATAGAL nang namamayagpag ang sindikato sa likod ng kidney-for-sale modus. Sa isang ulat, dalawang iba pang biktima – kabilang ang isang lalaking di umano’y ginawang hulugan ang pangakong kabayaran.
Ayon sa unang biktima, pinangakuan di umano siya ng isang nars ng tumataginting na P200,000 para mag donate ng isa sa kanyang dalawang kidney.
Subalit pagkatapos ng operasyon, binigyan lamang di umano siya ng nars ng maliit na halaga. Gayunpaman, nilinaw niyang nabuo naman ang pangakong halaga matapos ang halos isang taon.
Ang masaklap aniya, siya ngayon ang nangangailangan ng kidney donor matapos dapuan ng iba’t-ibang sakit na dulot ng nasabing operasyon.
Kwento naman ng isa pa, P300,000 naman ang pangako sa kanya kung magma-match di umano ang kanyang kidney sa pasyenteng nakaratay sa National Kidney and Transplant Institute.
Pero dahil hindi tugma ang kanyang blood-type sa pasyente, hindi na naisakatuparan ang kidney donation.
