HINDI limitado sa laganap na “fake news” ang imbestigasyon ng tri-committee ng Kamara, pahayag ni Laguna Rep. Dan Fernandez na tumatayong lead chair ng joint panel.
Ayon kay Fernandez, target din ng tri-comm alamin kung sumusunod sa pagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno ang mga social media influencer at vlogger na kumikita ng limpak-limpak na salapi sa pagkakaroon ng maraming “viewers, followers, likers at sharers” sa kanilang mga socmed post at live streaming.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig, tiniyak ng kongresista na hihimayin ng komite ang revenue at tax records ng mga digital personalities.
“We are not only looking into the spread of disinformation but also ensuring that these influencers and vloggers comply with tax regulations,” sambit ni Fernandez, na siya ring chairman ng House Committee on Public Order and Safety.
“Hihilingin natin sa Vloggers na isumite nila ang kanilang ITRs para masuri ng BIR,” dugtong ng Laguna solon.
Kaya naman sa pagdinig ng tri-comm, na binubuo ng Committees on Public Order and Safety, Information and Communications Technology, at Public Information, ay imbitado si BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr.
“If they are earning from their content, whether through ads, sponsorships, or monetization schemes, then they should be paying their fair share of taxes like any other income earner,” dagdag pa ni Fernandez.
Ang iba’t-ibang social media influencers ay nagkaroon ng maraming tagasubaybay gamit ang iba’t-ibang digital platforms, gaya ng Facebook, YouTube, TikTok, at Instagram kung saan namo-monetize ang kanilang contents.
Bunsod nito, ang mga kinatawan ng Meta (Facebook, Instagram), Google (YouTube), at ByteDance (TikTok) ay pinahaharap din sa House inquiry para ilahad ang monetization policies at kung paano ibinabahagi ang kita ng social media contents sa influencers na nag-upload at ideklara ang halagang naibigay nila.
Taong 2021 nang maglabas ng memorandum ang BIR para sa mga social media influencers hinggil sa obligasyon magparehistro sa kawanihan, magsumite ng tax returns, at ideklara ang kita para sa kaukulang buwis. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
