BUKOD sa imoral, mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng 1987 Constitution ang political dynasty sa bansa, saad sa isang petisyong nagtutulak ipa-disqualify ang limang miyembro ng pamilya Tulfo na sabayang tumatakbo bilang mambabatas sa nalalapit na halalan.
Batay sa petisyong inihain ng isang Virgilio Garcia sa Commission on Elections (Comelec), partikular na pinuntirya ang magkapatid na Erwin at Ben Tulfo na kapwa kandidato para senador.
Sa talaang kalakip ng petisyon, target din ipawalang bisa ang kandidatura ng mag-ina ni Senador Raffy Tulfo – sina ACT-CIS partylist first nominee Rep. Jocelyn Pua-Tulfo at reelectionist Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo.
Hindi rin pinalusot ng petitioner si former Tourism Secretary Wanda Tulfo Teo na tumatakbo sa ilalim ng Turismo partylist group.
Ayon kay Garcia, malinaw na isinusulong ng pamilya Tulfo ang political dynasty na aniya’y hindi pinahihintulutan sa ilalim ng umiiral na konstitusyon.
Samantala, tiniyak naman ni Comelec chairman George Garcia na tatalakayin ng poll body ang naturang petisyon.
