SA kabila ng pangunguna sa pinakahuling presidential survey, naglabas ng anunsyo si Vice President Sara Duterte hinggil sa planong sa plano pagsapit ng taong 2028.
Giit ni Duterte, hindi na siya tatakbong Pangulo.
Gayunpaman, diskumpyado si Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas na nagsabing walang pinag-iba ang pangalawang pangulo sa estilo ng amang si former President Rodrigo Duterte na kunwaring ayaw tumakbo noong 2016 presidential derby pero naghain pa rin ng kandidatura sa posisyon bilang Pangulo ng bansa.
“Her announcement should be taken with a grain of salt. Hindi kami naniniwala lalo’t mana siya sa tatay niya – kunwari ayaw tumakbo pero kalaunan ay maghahain ng kandidatura,” ani Brosas sa isang pahayag.
Gayunpaman, lubos na magpapasalamat si Brosas sakaling ibasura ni VP Sara ang ambisyong maging Pangulo – “It would be her greatest contribution to the country, as it spares our nation from a continuation of governance that prioritizes personal interests over public welfare,” anang militanteng kongresista.
“Ang hiling ng mga Pilipino ay isang bagong pulitika na magsisilbi sa mamamayan, at hindi yung bulok na pulitika na pansariling interes lang ang binibigyang halaga,” dugtong pa niya.
Gayunpaman, naniniwala si Brosas na patatakbuhin pa rin di umano ng matandang Duterte ang anak na bise presidente sa hangaring protektahan ang pamilya ay napipintong pagsasakdal kaugnay ng mahabang talaan ng mga pinaslang sa giyera kontra droga sa panahong nasa poder pa ng Palasyo ang ama.
