SA gitna ng kapos na pananalapi ng pamahalaan, sinabon ng Kamara ang Department of Transportation (DOTr) kaugnay ng pagbili ng mga depektibong bagon ng tren sa halagang P12 bilyon.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, hayagang ipinaramdam ni committee chair at Antipolo City Rep. Romeo Acop ang pagkadismaya sa nasayang na perang ginamit sa pagbili ng mga bagon.
Lubos rin ang pagtataka ng kongresista sa apurahang transaksyon lalo pa aniya’t wala pa naman ang riles na paggagamitan ng mga biniling bagon.
“Hindi ba kapag nagpatayo ka ng bahay, bumili pa muna ng lupa bago bumili ng materyales sa paggawa ng bahay?,” kantyaw ni Acop.
Tugon naman ni DOTr Undersecretary Cesar Chavez, hindi ang mga kasalukuyang opisyales ng DOTr ang nasa likod ng nasabing transaksyon, sabay turo kay dating Transportation Sec. Arthur Tugade.
Binigyang-diin na Chavez na taong 2017 pa nang lagdaan ng dating administrasyon ang pagbili ng 120 units ng bagon. Gayunpaman aniya, 80 units pa lang ang naideliver ng pinaborang supplier ng gobyerno.
Dagdag pa niya, gagamitin ang 120 units ng bagon para sa inaasahang pagbubukas ng Light Rail Transit – 1 Extension Project (na babagtas mula Paranaque hanggang sa lalawigan ng Cavite) pagsapit ng taong 2024.
Dito na umeksena sina partylist Reps. France Castro ng grupong ACT at Bonifacio Bosita ng grupong Rider. Anila, “masyadong maagap” ang DOTr sa pagbili ng bagon anim na taon bago pa man ang inaasahang operasyon ng LRT-1 Extension Project.
Pinili naman huwag sagutin ni Chavez ang tanong ng ng militanteng kongresista sa plano ng kasalukuyang pamunuan ng DOTr hinggil sa nasabing bulilyaso.
Sa halip sinabi ni Chavez na sila pa nga ang nakatuklas sa depekto ng mga bagon na binili ng nakaraang administrasyon mula sa bansang Mexico. Aniya pa, nakikipagtulungan naman ang supplier na di umano’y kinukumpuni na ngayon.
“Masyadong nakakadismaya, ang laking pera ito, Naghihirap ang ating mga kababayan,” ani Bosita.