
HINDI halos mahulugan ng karayom ang isa sa mga tanggapan sa Camp Crame matapos dumugin ng mga nagpakilalang nabiktima ng pekeng Undersecretary na dawit sa kasong panggagantso at pekeng appointments sa gobyerno.
MATAPOS ang hindi sinasadyang pag-aresto sa pinaniniwalaang utak sa likod ng “fake appointments” sa gobyerno, isang opisyal ng Palasyo ang di umano’y umaarbor kay Edward Diokno Eje at kasapakat na Johnson Lee.
Sa isang panayam sa isa sa mga nabiktima ni Eje at Lee, isang mataas na opisyal sa Palasyo ang umaarbor sa arestadong si Eje.
Nang tanungin kung sino – “Hindi ang Pangulo pero pinagkakatiwalaan ni President Bongbong Marcos. Katunayan, pumipirma din yun in behalf of the President.”
“Nakakalungkot lang kasi may powerful hands na gumigitna. In fact, before Eje was arrested, sumuko si Lee pero pinakawalan despite the fact na may standing warrant siya sa Claveria sa Cagayan province. Tapos ngayon naman si Eje ang inaarbor.”
Araw ng Lunes nang arestuhin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Eje na nanutok ng baril kaugnay ng isang ayaw-trapiko sa Bonifacio Global City sa Taguig. Sa gitna ng pagtatalo, ipinangalandakan di umano ni Eje na siya’y isang Undersecretary sa ilalim ng Office of the President kasabay ng pagpapakita ng ID na aniya’y inisyu ng Malakanyang.
Nang beripikahin, lumalabas na peke ang ID – hudyat para dalhin sa himpilan ng pulisya kung saan lumutang ang mga negosyanteng nagantso di umano ni “Usec. Eje.”
Ayon sa isang negosyante, tumataginting na P300 milyon ang natangay sa kanila ni Eje at kasama nitong si Johnson Lee.
“Ginarantiyahan nila kami na makakuha kami ng permit to operate para sa e-bingo, kapalit ng P300 milyon na padulas kay Gen. (Alex) Balutan na general manager noon ng Philippine Charity Sweepstakes Office. Nakakuha naman kami ng permit pero nung i-check namin, wala sa data base ng PCSO,” ayon sa biktima.
Sa Campo Crame, lumutang rin ang iba pang mga complainant kabilang ang dalawang artista at mga kontratistang hiningan ng “advanced SOP” para sa iba’t ibang government infrastructure projects.
Sa pagsisiyasat, lumalabas na kapatid ng isang dating Transportation Undersecretary ang suspek na nakunan din ng hindi lisensyadong baril na ginamit sa panunutok.
Kabilang rin sa kinasasangkutan eskandalo ni Eje ang fake appointments sa walong taong nagpunta pa sa Palasyo noong Enero 27 matapos makatanggap ng abiso para sa panunumpang pangangasiwaan mismo ng Pangulo.