DAPAT manindigan ang Kamara para sa isang dating Pangulo.
Ito ang buod ng isang resolusyong inihain sa Kamara ni House Deputy Speaker at Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo kaugnay ng isinusulong na imbestigasyon ng International Criminal Court laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ilalim ng inakdang House Resolution 780 (In Defense of FPRRD against ICC), target ni Arroyo kasama ang 17 iba pang kongresista na sabayang manindigan at ipagtanggol ang dating Pangulo laban sa pag-usig na tinutulak ng ICC kaugnay ng madugong giyerang inilunsad kontra droga sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Base sa datos ng mga human rights organizations, mahigit 30,000 katao ang pinaslang sa giyera kontra droga ni Duterte – malayo sa 6,000 pagpanaw na naitala ng Philippine National Police (PNP).
“Former President Rodrigo Roa Duterte’s presidency has ushered remarkable accomplishments brought about by his relentless campaign against illegal drugs, insurgency, separatism and terrorism, corruption in government and criminality thus making the life of every Filipino better, comfortable and peaceful;” pagtatanggol ni Arroyo na pinalaya ni Duterte sa kanyang unang taon bilang Pangulo.
Para kay Arroyo, naibalik sa kaayusan ang bansa dahil sa kampanya laban sa droga at terorismo ni Duterte. Ito rin aniya ang nagtulak sa pagbabalik ng tiwala ng mga negosyante at muling pagpasok ng mga kapitalista sa bansa.
Aniya pa, walang dahilan ang ICC na makisawsaw sa usaping panloob ng bansa lalo pa’t “gumagana ang sistema ng hustisya.” Isang insulto rin ayon kay Arroyo ang pagpapatuloy ng ICC investigation sa giyerang pinangunahan mismo ni Duterte mula 2016 hanggang tuluyang bumaba sa pwesto noong nakaraang taon.