MAS lalo pang lumabo ang posibilidad ng pagbabalik sa bansa ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste matapos maglabas ng arrest warrant ang Makati Regional Trial Court (RTC) kaugnay ng kasong paglabag sa Public Service Act.

Sa dokumentong nilagdaan ni Judge Ricardo Moldez ng Makati RTC Branch 235, inatasan ang mga “law enforcement agencies” na dakpin at iharap sa korte ang kongresista.

Partikular na inatasan ng korte ang Philippine National Police Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) sa Camp Crame. Kalakip ng utos ng korte ang P72,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng mambabatas.

Sa isang kalatas, minaliit naman ni Leviste ang mandamiento de arresto na inilabas ng korte. Kasalukuyang nasa France ang kongresista kasama ang inang si Senador Loren Legarda na nasa “extended medical leave” dahil sa sakit sa baga.

Samantala, nanindigan si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, na isa nang ganap na pugante si Leviste.

Para kay Matibag, ang paglisan ni Leviste habang nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng umano’y paglabag sa paglabag sa Public Service Act ay isang malinaw na indikasyon na walang plano ang kongresista humarap sa kaso.

“Right now, he’s considered a fugitive from justice. Merong arrest warrant at kailangan. Sabi du’n sa arrest warrant that you have to bring him to court, forthwith, immediately,” wika ni Matibag.

“Dalawang bagay lang ‘yan, he voluntarily submit himself to court or maaresto siya at dadalhin siya ng law enforcement sa korte,” dagdag ng NBI chief.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *