PARA kay former presidential chief legal counsel Salvador Panelo, napilitan lang si former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma idiin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam sa radyo, hayagang inakusahan ni Panelo ang mga ranking House official ng pananakot para bigkasin sa pagdinig ng quad comm ang aniya’y nais nilang marinig alinsunod sa di umano’y “script.”
Ani Panelo, ilegal at labag sa umiiral na Saligang Batas ang pagkulong kay Garma sa detention center ng Kamara.
Naniniwala rin siyang pahahabain pa ang pananatili ng dating PCSO official para papirmahin sa testimonyang magdidiin sa dating Pangulo – kapalit ang pagiging state witness para hindi madawit sa kaso.
“Ang nakita ko diyan, prinessure siya, pinilit siya and at the same time siguro may inalok sa kanya,” saad ni Panelo.
Hindi rin aniya kapani-paniwala ang testimonyang binasa ni Garma.
“Sabi niya, alas-5:00 ng umaga ng Mayo siya ay tinawagan (ni Duterte). Pangalawa, Mayo ng 2016… hindi pa siya Presidente (Duterte) at hindi pa siya nakakasiguro kung magiging Presidente siya. Hindi natin malaman kung before the election o after the election,” wika niya.
“Paano mo naman masasabi na itong si dating Presidente Duterte eh magkakaroon na kaagad ng mga ganyang meeting, pag-uusap… Hindi pa siya nakakaupo eh. So that alone raises the probability, not even possibility, the probability that it never occur,” dagdag niya.
Para kay Panelo, isang kabalbalan ang ang reward system sa giyera kontra droga.
“The government will not give you a reward or President Duterte, one million pesos to P20 million sang-ayon sa kwento just because you killed a pusher, a drug lord, a dealer. Bakit? Eh trabaho nila yun ng mga pulis. That is their work. So hindi nila kailangan ng reward o payment,” aniya pa.
