
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA harap ng mga kapwa mambabatas mula sa iba’t ibang panig ng mundo, ibinida ni House Speaker Martin Romualdez ang mga pagbabagong nakamit ng Pilipinas sa larangan ng siyensya, teknolohiya at inobasyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa pagharap sa ika-149 Inter-Parliamentary Union (IPU) Assembly sa Geneva, Switzerland nitong Lunes (oras sa Switzerland), inihayag ni Romualdez ang kolektibong pagkilos sa pagitan ng Palasyo at Kongreso para isulong ang siyensya, teknolohiya at inobasyon para sa pagpapaunlad ng bansa.
Aniya, bilang bahagi ng legislative priority ni Pangulong Marcos, binuo ang National Innovation Council para matiyak na nakapaloob ang inobasyon sa mga prayoridad na hakbangin ng bansa patuingo sa “socio-economic development.”.
Ang konseho na pinamumunuan ng Pangulo ay may sinusunod na panuntunan — ang National Innovation Agenda and Strategy Document.
Paliwanag ni Romualdez, hangad ng administrasyon abutin ang sa pangmatagalang mithiin ng Pilipinas sa larangan ng inobasyon at ang road map ng mga estratehiya sa kung paano pagbutihin ang innovation governance, pagpapalalim at pagpapabilis sa inobasyon at pagsasama ng public-private partnerships para masigurong walang Pilipino ang maiiwan.
Garantiya ni Romualdez sa IPU Assembly, suportado ng Kamara ang 2030 Agenda for Sustainable Development, sa bisa ng mga panukalang isinabatas tulad ng Republic Act 11293 (Philippine Innovation Act), Republic Act 11927 (Philippine Digital Workforce Competitiveness Act), at Republic Act 10055 (Technology Transfer Act of 2009).
Mula sa dating ika-53 pwesto noong nakalipas na taon, bahagyang umarangkada ang ranking ng Pilipinas na pang-56 sa talaan ng 130 bansang kinilatis sa 2024 Global Innovation Index ng World Property Organization.
Taong 2020 nang maitala ang Pilipinas sa pang-50 pwesto ng mga top innovation performing countries sa kabila ng pandemiya.
Pinagyayabong rin aniya ng mga naturang batas ang siyensya teknolohiya at inobasyon.
Tinutugunan rin umano ng Digital Workforce Competitiveness Act ang kakulangan sa digital technology at kasanayan sa pamamagitan ng mga programang nagbibigay ng dagdag kaalaman sa mga Pilipino para makasabay sa global labor market.
Layon naman aniya ng Technology Transfer Act isulong ang pagkakaroon ng paglilipat at komersyalisasyon intellectual property, technology at knowledge na resulta ng mga pagsasaliksik at development programs na pinondohan ng pamahalaan para sa benepisyo ng ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng 2023-2028 Philippine Development Plan, binigyang halaga ng pamahalaan ang innovation sa pagkamit ng mas malalim na socio-economic reform.
Inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) ang PAGTANAW 2050, ang unang DOST-funded interdisciplinary at trans-disciplinal project na nakatuon sa Science Technology Innovation Foresight and Strategic Plan.