
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
Sa hangarin makatulong sa mas maraming nangangailangan Pilipino, dinagdagan ng House Committee on Appropriations ng P292.23 bilyon ang panukalang pondo para sa social services ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa susunod na taon.
Ayon kay Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co na tumatayong chairman ng naturang komite, bukod pa ang naturang dagdag-alokasyon sa P591.8-bilyong inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program na nagsisilbing gabay sa pagtitibaying General Appropriations Bill ng Kamara.
Aniya, nakapaloob ang nasabing pondo sa P6.352-trilyong proposed 2025 national budget na nakatuon sa pagtulong sa tinaguriang “vulnerable sector” kabilang ang mga financially-challenged students, mga magsasaka, mangingisda, sundalo, at mahihirap na pamilya.
“The additional funding is crucial for supporting those in need. We’re providing assistance to struggling families especially during these challenging times,” sambit ni Co.
Kasama sa mahahalagang pagbabago sa 2025 GAB ang karagdagang P39.8-bilyon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) sa pagnanais magbigay ng agarang suporta sa mga dumaranas ng pinansyal na kahirapan.
Dahil sa malawak na pagtanggap at panawagan ng publiko para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), naglaan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng karagdagang P39.8-bilyon para sa tulong pinansyal na nakatutok sa mga kumikita ng P21,000 pababa kada buwan.
Ang nasabing halaga ay tatlong beses na mas mataas kaysa sa kasalukuyang P13-bilyong alokasyon.
Paliwanag ng kongresista, ang AKAP ay nakatuon sa ‘near poor’ o ‘lower middle class’ na bahagi ng populasyon na kinabibilangan ng mga minimum wage earners na walang mapagkukunan ng pondo sakaling magkaroon ng emergency tulad ng biglaang pagkamatay ng kumikita sa pamilya, pagkakasakit, pagkawala ng trabaho, o pagtaas ng presyo na maaaring magdala sa kanila pabalik sa kahirapan.
Naglaan din ang Kamara ng P3.4 bilyon para sa Sustainable Livelihood Program para sa mga pamilyang may mababang kita.
Ang Department of Labor and Employment (DOLE) naman ay magkakaroon ng karagdagang P20.28 bilyon para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at sa Government Internship Program.
Para sa sektor ng edukasyon, naglaan ang komite ng Kamara ng dagdag na P30.01 bilyon para sa mga scholarship ng mga mahihirap na estudyante na nag-aaral sa kolehiyo. Sa sandaling pagtibayin, paghahatian ng Tertiary Education Subsidy at Tulong Dunong programs ng Commission on Higher Education ang karagdagang alokasyon.
Ang Department of Education (DepEd) ay makikinabang naman sa karagdagang P7-bilyong budget para sa pagtatayo ng mga bagong pasilidad ng paaralan at pagsasaayos ng mga kasalukuyang gusali.
Samantala, makakatanggap naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng karagdagang P8.44 bilyon para sa pagtaas ng subsistence allowances ng mga militar. Kapag naaprubahan, papalo sa P250 ang daily subsistence allowance ng mga sundalo.
Ang karagdagang pondo para sa araw-araw na subsistence ng mga nakatalagang sundalo ay inisyatiba ni House Speaker Martin Romualdez bilang tugon sa mga panawagan ng mga kawani ng militar na madalas niyang nakakasalamuha.
“Our soldiers deserve the extra allowance. This is a small price to pay for their sacrifice and for defending our country from both internal and external threats,” ani House Speaker Martin Romualdez.
Makakatanggap din ang AFP ng karagdagang P3.2 bilyon upang tapusin ang pagpapalawak ng paliparan sa Pag-asa Island kasama ang isang shelter port sa Lawak, Palawan na kapwa bahagi ng pagpapalakas sa kapasidad ng Pilipinas ipagtanggol ang West Philippine Sea laban sa patuloy na panghihimasok ng China.
Upang mapabuti ang seguridad sa pagkain, inilipat ng komite ang P30 bilyon para sa Philippine Irrigation Network Piping System ng Department of Agriculture (DA), mga solar-powered irrigation systems, at mga proyekto para sa cold storage.
Dagdag pa rito ang inilaan P44 bilyon sa budget ng National Irrigation Administration para sa pagtatayo ng mga pump irrigation at mga proyekto ng solar-driven pump irrigation.
Tatanggap rin ang Department of Health (DOH) ng karagdagang P56.87 bilyon para sa mas maayos na Health Facility Enhancement Program, Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program, at ang mga specialty at legacy hospitals.